Calendar
Source: File photo
Driver ng Toyota Tamaraw nasakote ng QCPD dahil sa gas-and-run
HINDI na nakalayo ang driver ng isang Toyota Tamaraw na umano’y sangkot sa gas-and-run matapos maharang ng mga pulis sa loob ng Jordan Plains Subdivision, malapit sa Commonwealth Extension, Quezon City, nitong Huwebes ng hapon.
Batay sa ulat, nangyari ang insidente sa Petron Gasoline Station branch sa Commonwealth Avenue corner Regalado, Brgy. Fairview, dakong alas-2:05 ng hapon.
Nai-report ito sa pulisya dakong alas-2:17 ng hapon kaya agad na nagkasa ng dragnet operation ang mga tauhan ng QCPD.
Dakong alas-2:38 ng hapon, namataan at na-flag down ng mga operatiba ng QCPD Police Station 16, ang puting Toyota Tamaraw sa Jordan Plains Subdivision.
Matapos ang maikling habulan, nasukol ng mga pulis ang suspek dakong alas-2:35 ng hapon.
Agad namang itinurn-over ang suspek at sasakyan sa Police Station 5 para sa kaukulang disposisyon.

