BI

9 dayuhan tiklo dahil sa illegal online gambling hub

Jun I Legaspi Aug 1, 2026
36 Views

INARESTO ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang siyam na dayuhan noong Hulyo 22 na sangkot umano sa illegal online gambling hub sa condominium sa Pasay City.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, ang operasyon ay isinagawa ng mga ahente ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI sa pakikipagtulungan sa Southern Manila District Field Unit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at CIDG Regional Field Unit-NCR.

Sa ulat ni FSU Chief Rendel Ryan Sy, nagsagawa ng operasyon sa tatlong condominium units sa isang gusali sa Sunrise Drive, Brgy. 76, Pasay City, matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa isang Chinese national na sangkot umano sa residential-based illegal online gambling hub.

Sa operasyon, naabutan ng mga operatiba ang siyam na dayuhan na umano’y sangkot sa illegal online gambling activities sa loob ng mga unit.

Naaresto ang walong Chinese nationals at isang Vietnamese national na edad 33.

Natuklasan na isa sa mga Chinese nationals ay overstaying matapos mag-expire ang visa habang apat naman ay walang record ng pagdating sa database ng Bureau, indikasyon na maaaring pumasok sila sa bansa nang ilegal.

Bukod dito, nabigo ang siyam na dayuhan na magpakita ng valid passports o immigration documents ng hingin ng mga operatiba.

“Patuloy na magsasagawa ang Bureau ng masinsinang operasyon upang matukoy at maalis ang mga dayuhang lumalabag sa ating immigration laws,” ani Viado.

Ang mga naarestong dayuhan ay kasalukuyang nakadetine sa BI Warden Facility habang isinasagawa ang deportation proceedings laban sa kanila.