Calendar
Pangilinan isinusulong dagdag take home pay, P350K tax-free kita
NAGHAIN si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng panukalang magtataas sa taunang personal income tax exemption mula P250,000 tungong P350,000 upang mas malaki ang maiuwi ng mga manggagawa at self-employed Filipinos sa gitna ng tumataas na gastusin ng mga pamilya.
Layon ng Senate Bill No. 2344, na inihain noong Hulyo 28, na amyendahan ang Section 24 ng National Internal Revenue Code of 1997 sa pamamagitan ng pag-aayos sa personal income tax thresholds upang tumugma sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya.
Sa ilalim ng panukala, hindi bubuwisan ang unang P350,000 ng taunang taxable income. Saklaw din ng mas mataas na exemption ang self-employed individuals at professionals na pumipili sa eight-percent gross-receipts tax option.
“Hindi pa nakakauwi ang mga Pilipino sa mga bahay nila, ubos na ang kinita nila sa araw na yun dahil sa tax. Ang P1,000, sabi nga nila, kapag nabaryahan, aba parang hinipan lang ng hangin. Wala na agad,” sinabi ni Pangilinan.
Layon ng panukala na mapalakas ang kakayahang bumili ng mga pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng pag-iwan ng mas malaking bahagi ng kita ng mga manggagawa para sa pagkain, pamasahe, edukasyon, kalusugan, utilities at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sinabi ni Pangilinan na nabawasan ng inflation ang halaga ng kinikita ng mga pamilya habang patuloy na tumataas ang kanilang gastusin sa kabila ng limitadong pagtaas ng sahod.
“Luho ba matatawag ang pataasin natin ang take-home pay ng mga tao? Pataasin lang natin nang konti ang take-home pay nila para naman may pambili ng hapunan o pambili ng maintenance ng high blood at talaga namang nakaka-high-blood na ang mga nangyayari dito sa atin,” sinabi niya.
Bukod sa pagtataas sa tax-free threshold, babaguhin din ng panukala ang income levels na saklaw ng mga susunod na personal income tax brackets.
Sa ilalim ng panukala, itataas sa P500,000 ang threshold para sa 15-percent tax rate. Itatakda naman sa P1 milyon, P2.5 milyon at P8 milyon ang thresholds para sa 20-percent, 25-percent at 30-percent tax rates.
Kasunod ang panukala ng panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address nitong linggo na taasan ang personal income tax exemptions.
Sinabi ni Pangilinan na maaaring tumaas o bumaba ang kita ng mga negosyo depende sa takbo ng ekonomiya, samantalang awtomatikong kinakaltas ang buwis sa mga manggagawa may krisis man o wala.
“Nakasakay sa pagganda o pagpangit ng ekonomiya ang pagbabago ng laki o liit ng kita ng mga negosyo. Pero yung mga buwis sa manggagawa, nakapako. May krisis o wala, matik ang kaltas. Kailangan ng konting tulong ng ating mga taxpayer lalo na’t mahirap ang buhay,” sinabi niya.
Kailangan munang dumaan ang panukala sa deliberasyon ng komite at maaprubahan ng Senado at Kamara de Representantes bago ito maipadala sa Pangulo para sa kaukulang aksiyon.

