Escudero gusto ng nationwide ban sa gambling ads, sponsorships

61 Views

NAGHAIN si Sen. Francis “Chiz” Escudero ng panukalang naglalayong ipagbawal sa buong bansa ang gambling advertisements at sponsorships sa telebisyon, radyo, print, electronic, online at social media.

Ipagbabawal din sa ilalim ng Senate Bill No. 2347 ang celebrity endorsements at influencer campaigns na nagpo-promote ng pagsusugal.

Layunin ng panukala na mabawasan ang labis na pagsusugal at mailayo ang mga menor-de-edad at iba pang vulnerable groups sa gambling promotions.

Ibinatay ang mga paghihigpit sa paraan ng pagkontrol sa tobacco advertising sa ilalim ng Republic Act No. 9211 o Tobacco Regulation Act of 2003, ayon sa senador.

Aatasan din ng panukala ang mga pinahihintulutang consumer communication na maglagay ng responsible-gambling advisories tungkol sa panganib ng labis at compulsive na pagsusugal.

Binanggit ni Escudero ang boluntaryong paghihigpit ng Ad Standards Council sa gambling imagery at paraphernalia.

“My bill shall institutionalize this effort by placing the restrictions under a national legal framework, ensuring uniform enforcement and preventing gaps in regulation,” sinabi niya.

Kinilala ni Escudero na nakapag-aambag ang gambling industry sa kita ng pamahalaan, trabaho at turismo.

Nagbunga rin ang paglago ng industriya ng mga patalastas, sponsorship at iba pang promotion na mas laganap, mas sopistikado at mas nakatuon sa partikular na audience.

Binanggit sa explanatory note ng panukala ang P396.13 bilyong gross gaming revenue na naitala ng gambling industry sa Pilipinas noong 2025.

Nagdudulot ng public-health at socioeconomic concerns ang lumalawak na presensya ng gambling services, lalo na ang panganib ng labis, compulsive at iresponsableng pagsusugal.

Magbibigay ang SB 2347 ng isang taong transition period upang maalis ng gambling operators at advertisers ang kanilang mga umiiral na promotional material at makapaghanda sa ganap na pagpapatupad.

Sa unang paglabag, maaaring patawan ang lalabag ng multang hanggang P200,000 o pagkakakulong ng hanggang isang taon.

Sa ikalawang paglabag, maaaring umabot sa P300,000 ang multa o hanggang dalawang taon ang pagkakakulong.

Sa ikatlong paglabag, maaaring tumaas ang multa sa P500,000 o ang pagkakakulong sa hanggang tatlong taon, kasama ang pagbawi sa business permit o lisensya ng lalabag.

Maaari ring maparusahan ang mga corporate officer na mapatutunayang responsable, habang maaaring ma-deport ang mga dayuhang mapanagot sa ilalim ng panukala.

Pagpapasyahan ng Kongreso kung dapat patawan ang gambling promotions ng mga pambansang paghihigpit na katulad ng ipinatupad sa tobacco advertising.