Hontiveros itinulak mas malawak na proteksyon sa consumers

51 Views

NAGHAIN si Sen. Risa Hontiveros ng panukalang magbibigay sa Pangulo ng kapangyarihang pansamantalang magtakda ng pinakamataas na presyo ng kuryente at suspindihin ang pagputol ng serbisyo sa mga tahanan sa panahon ng idineklarang emergency o kalamidad.

Layon ng Senate Bill No. 2361 na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 upang dagdagan ang proteksiyon ng consumers laban sa biglaang pagtaas ng singil, kwestiyonableng bayarin at pagkawala ng serbisyo ng kuryente tuwing may krisis.

Naitala ng Pilipinas noong Hunyo ang pinakamataas na average residential electricity rate sa Southeast Asia habang umiiral ang state of national energy emergency na idineklara noong Marso 24.

Sa ilalim ng panukala, maaaring magpatupad ang Pangulo ng mandatory electricity price ceiling batay sa rekomendasyon ng Department of Energy at Energy Regulatory Commission.

Isasaalang-alang sa pagtatakda ng price ceiling ang average na presyo ng kuryente sa tatlong buwang kaagad na nauna sa pagdedeklara ng emergency, available power supply, kondisyon ng merkado at iba pang salik upang magkaroon ng makatarungang presyo.

Maaaring manatili ang price ceiling nang hanggang 90 araw maliban kung mas maagang alisin ng Pangulo.

“With this bill, the President can set a mandatory price cap as a direct measure to curb rising electricity costs due to external circumstances during a state of emergency or calamity – such as the ongoing national energy emergency,” sinabi ni Hontiveros.

Awtomatiko ring ipagbabawal sa panukala ang pagputol ng serbisyo ng kuryente sa residential consumers nang hanggang 90 araw sa panahon ng idineklarang emergency o kalamidad.

Hindi rin maaaring putulan ng serbisyo ang consumers na pormal na kumukuwestiyon sa umano’y sobrang taas o maling singil habang dinidinig ang kanilang reklamo.

Sa halip na bayaran ang buong kwestiyonableng halaga, pansamantala lamang silang magbabayad ng halagang katumbas ng average monthly electricity bill nila sa nakaraang tatlong buwan.

Itinatag din ng panukala ang isang independent Consumer Advocacy Office na nakalakip sa Department of Trade and Industry.

Awtomatikong kakatawan ang tanggapan sa consumers sa mga rate case, franchise proceeding at rulemaking ng ERC na may kinalaman sa presyo, kalidad o availability ng serbisyo ng kuryente.

Maaari nitong obligahin ang regulated entities na maglabas at maglathala ng datos na kailangan sa pagsusuri ng mga aplikasyon sa singil sa kuryente.

Maaari rin itong magsampa ng representative o class action sa administrative o judicial proceedings kaugnay ng mga umano’y paglabag sa EPIRA, mga patakaran ng ERC at iba pang consumer-protection laws.

Kailangang abogado sa Pilipinas na may sapat na kaalaman sa energy regulatory law at consumer welfare ang mamumuno sa tanggapan. Isasama sa taunang General Appropriations Act ang pondo at mga tauhan nito.

Inatasan ng panukala ang DOE, kasama ang ERC at mga apektadong kinatawan ng pampubliko at pribadong sektor, na bumubuo ng implementing rules sa loob ng 90 araw mula sa pagiging epektibo ng batas.