Kontrolado ni Cayetano Taguig public works operations–Lacson

45 Views

INAKUSAHAN ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson si Sen. Alan Peter Cayetano na halos kontrolado nang public works operations sa Taguig AT maagang pinipili ang mga contractor at inaasahang sumusunod sa mga utos ang mga district engineer.

“Ang kalakaran sa Taguig virtually controlled ng isang tao. Walang makakagalaw doon na hindi alam ni Cayetano. Yan ang kalakaran,” sabi ni Lacson.

Itinanggi ni Cayetano na may alam siya sa mga ghost project o malalaking anomalya sa Taguig at sinabi niyang hindi siya tutol sa imbestigasyon.

Iginiit niyang dapat tukuyin at beripikahin ang mga partikular na proyekto at ebidensiya. Nanawagan din siyang saklawin ng mga imbestigasyon ang ibang lugar, hindi lamang ang Taguig.

Binabalaan umano ang mga bagong talagang district engineer na huwag pakialaman ang mga proyekto at maaari silang mapalitan kapag hindi sumunod sa mga tagubilin, ayon kay Lacson.

“Ilang palit na ang district engineers diyan. Halimbawa kapag sinamahan sa kanya ang bagong appointed district engineer, meron na siyang warning: Huwag mong pakialaman ang mga project dito. Pag hindi sumunod, totoo napapalitan,” sinabi niya.

Tumulong ang mga impormante upang matunton ng kanyang grupo ang umano’y daloy ng pera at sinimulan na nilang isumite ang mga rekord sa Office of the Ombudsman.

Ayon kay Lacson, maaga umanong itinatalaga ang mga proyekto sa mga piling contractor habang sumusunod ang mga district engineer sa mga tagubilin ng mga taong pinagkakatiwalaan ni Cayetano.

“Sabi niya walang flood control anomaly or ghost projects. Bahala siya, yan ang kanyang claim. Pero records and documents say otherwise,” sinabi niya.

Sinabi ni Lacson na tumuturo ang impormasyong nakalap ng kanyang grupo sa posibleng 33-porsiyentong kickback structure sa mga infrastructure project sa Taguig.

Kabilang umano rito ang 10 porsiyento para sa hindi pinangalanang “principal,” dalawang porsiyento para sa “boys” at anim na porsiyento na may kaugnayan sa Bids and Awards Committee at mga contractor na lumahok sa bidding.

Hindi tinukoy ni Lacson kung sino ang tinutukoy niyang “principal” at “boys.”

Sinabi rin niyang may hiwalay na 15 porsiyentong binanggit sa naunang testimonya ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na napunta umano kay dating DPWH Secretary Manuel Bonoan.

Nahaharap si Bonoan sa mga kasong plunder at graft sa Sandiganbayan.

Maaaring bumawi ang mga contractor sa sinasabing malalaking kaltas sa pamamagitan ng overlapping o ghost projects o substandard na trabaho.

“That’s why nag-resort sila sa overlapping and ghost, or substandard. Saan babawi ang kontratista kung ganyan kalaki ang nawala sa lagayan?” sinabi niya.

Lumitaw sa hindi bababa sa limang case study ng kanyang grupo ang paulit-ulit na paggamit ng mga larawan ng proyekto para sa billing at koleksiyon, kung saan binago umano ang mga petsa o detalye kahit pareho ang DPWH geotagging data.

Na-flag din sa mga case study ang posibleng dobleng appropriation at magkakapatong na bahagi ng mga slope-protection project, kabilang ang mga proyekto sa kahabaan ng Taguig River.

Sinabi ni Lacson na nag-alok si DPWH Secretary Vince Dizon ng tulong ng departamento sa pagkuha ng karagdagang mga rekord.

Sinabi rin niyang palalawakin ang imbestigasyon sa labas ng Taguig.

“To satisfy him, no. To satisfy the public, yes,” sinabi ni Lacson bilang tugon sa panawagan ni Cayetano na imbestigahan din ang ibang lugar.