Hot News

5 nasawi sa nasunog na apartment sa Caloocan

Edd Reyes Aug 2, 2026
21 Views

SunogSunog1

Sunog2
Source: Fire and Rescue Alert

LIMA ang nasawi, kabilang ang 11-buwang sanggol at kanyang ina, matapos ma-trap sa nasunog na dalawang palapag na apartment Linggo ng madaling araw sa Caloocan City.

Sa inisyal na ulat ni Caloocan City Central Fire Station arson investigator FO1 Samuel Rentillo Jr., nagsimula ang sunog sa talyer na nasa unang palapag ng apartment sa Blk 57L Lot 4 Sinilyasi st., Dagat Dagatan, Brgy. 08, na pag-aari ng isang Marina Escondo, dakong ala-1:02 ng madaling araw sa hindi pa batid na dahilan.

Nakapagresponde naman kaagad ang mga tauhan ng Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP) at fire volunteers, kaya’t nakontrol ang sunog ala-1:24 na umabot lang sa unang alarma hanggang tuluyang maapula ng alas-2:04 ng madaling araw.

Matapos ang mapping-up operation, nadiskubre ang mga bangkay na kinabibilangan ng tatlong babae at dalawang lalaki, kung saan huling nakita ang 11-buwang sanggol.

Napag-alaman na kadarating lang sa trabaho ng ama ng sanggol at tinangka pang iligtas ang kanyang mag-ina subalit hindi na siya makapasok dahil sa laki ng apoy habang labis naman ang paghihinagpis ng mister ng isa pang nasawing ginang matapos makabitaw sa kanya ang misis nang sabay silang lumabas ng nasusunog na tirahan.

Wala namang ibang bahay na nadamay sa sunog na umabo sa tinatayang P500,000 halaga ng mga ari-arian habang nasa anim na pamilya ang apektado na pansamantalang nanunuluyan sa barangay hall ng Barangay 8 kung saan sila pinadalhan ng mainit na pagkain at pangunahing pangangailangan ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan.