Gahasa

Salesdaly na wanted sa kasong gahasa, nasakote

Edd Reyes Aug 2, 2026
27 Views

ARESTADO ang 25-anyos na saleslady na wanted sa kasong rape sa ikinasang operasyon ng pulisya sa Malabon City.

Bitbit ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang warrant of arrest na inilabas ni Malabon City Family Court Presiding Judge Abigail Santos Domingo-Laylo ng Branch 4 nang kanilang dakpin si alyas “Liza”, residente ng Hiwas St. Brgy. Longos, dakong alas-3:20 ng hapon noong Sabado sa Sanciangco St. Brgy. Catmon.

Si alyas Liza ay may kinakaharap na kasong Rape by Sexual Assault na may kaukulang piyansang P200,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Hindi naman nabanggit sa ulat ng pulisya kung lalaki o babae ang biktima ng akusado sa ginawang panghahalay.

Pansamantalang nakapiit ang babaing akusado sa custodial facility ng Malabon Police Station habang hinihintay pa ang paglalabas ng commitment order ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail.