Calendar
Tsino naisahan sa malaking halaga ng pera, Vietnamese suspek huli
ARESTADO ang babaing Vietnamese national nang ireklamo ng 28-anyos na Tsino dahil sa panloloko sa kanya ng malaking halaga ng salapi sa Paranaque City.
Sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin, nagkakilala ang suspek na si alyas “Le” at ang Chinese national na si alyas “Gang” sa online chat group na Telegram hanggang alukin ng una ang huli kung nais niyang palitan ng Philippine peso ang kanyang Chinese Yuan.
Nang pumayag ang biktima, nagkita sila ng suspek noong Biyernes, Agosto 7, dakong alas-3:20 ng hapon sa Bayview Garden Homse 2 sa Roxas Blvd. Brgy. Tambo, at dito ipinadala ni alyas Gang ang kanyang 7,607.98 Chinese Yuan sa suspek sa pamamagitan ng digital wallet account na Alipay kapalit ng pangako ni alyas Le na papalitan ito ng P70,000.
Gayunman, nabigo si Le na ibigay ang naturang halaga sa kabila ng paulit-ulit na paniningil sa kanya ni Gang na dahilan para magpasiya na ang biktima na humingi ng tulong sa mga tauhan ni P/BGen. Capili na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
“Our laws apply equally to everyone. Regardless of race or nationality, no one will be allowed to use Metro Manila as a place to deceive others for unlawful gain. Those who engage in fraudulent and illegal activities will be held accountable in accordance with law,” ang pahayag naman ni BGen. Anthony Aberin matapos iutos ang pagsasampa ng kasong Estafa laban sa suspek.

