Lolo

Lolo kinuha ang kariton, sinaksak pinagbintangan, kulong

Edd Reyes Aug 10, 2026
35 Views

SWAK sa selda ang 65-anyos na lolo nang pagsasaksakin umano ng basag na bote ang nakaalitang lalaki noong Linggo sa Parañaque City.

Dinala ng mga barangay tanod ang suspek na si alyas Onofre sa Sto. Niño Police Sub-Station matapos maaresto dahil sa pananaksak sa 45-anyos na biktima dakong alas-7:00 ng gabi sa Kapitan Tinoy St., Brgy. La Huerta.

Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nagsimula ang pagtatalo ng dalawa nang pagbintangan ng suspek ang biktima na kinuha ang kanyang kariton ng walang paalam.

Sa gitna ng pagtatalo, nagbasag ng bote ang suspek at inundayan ng sunod-sunod na saksak ang biktima na naisugod sa Ospital ng Parañaque bago inilipat sa Las Piñas General Hospital.

Inihahanda na ang paghahain ng kasong frustrated murder laban sa suspek sa Parañaque City Prosecutor’s Office.