Isko

Mayor Isko nagpatawag ng emergency meeting kahit walang pasok

Edd Reyes Aug 10, 2026
39 Views

KAHIT idineklarang walang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan noong Lunes, nagpatawag ng emergency meeting si Manila Mayor Isko Moreno sa City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC).

Sinabi niya ang mga pangangailangang matugunan tulad ng pagkain sa evacuation centers, paglilinis ng mga debris sa lansangan, pagsasa-ayos sa daloy ng trapiko, kahandaan ng kapulisan at mga pampublikong pagamutan.

“Alam ko walang pasok ngayon, pero wala namang aasahan ang tao kundi tayong gobyerno,” paunawa ng alkalde sa mga opisyal.

Dumalo sina MDSW Director Jay Dela Fuente na inatasang tiyaking hindi magugutom ang mga bakwit, Department of Engineering and Public Works (DEPW) Engr. Arman Andres at Department of Environment and Public Services (DEPS) Director Kenneth Amurao na naatasan sa paglilinis sa mga lansangan at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Dennis Viaje na mangangasiwa sa daloy ng trapiko.

Inatasan din ng alkalde ang Manila Police District (MPD) na itaas ang alerto sa lahat ng police stations at community precincts upang hindi makapagsamantala ang mga tolongges.

Inilagay sa high alert status ang lahat ng mga pampublikong pagamutan at health centers na iniutos kay Dra. Grace Padilla ng Manila Health Department (MHD).

“We will not allow ‘tong mga tulisan to take the opportunity na makapamerywisyo. Kasi alam mo pagka malamig ang panahon, baka mamaya maglabasan sa lungga ‘tong mga ‘to,” sabi ng alkalde.

Inobliga rin ng alkalde ang lahat ng hepe ng departamento na magsumite sa kanya ng ulat ng alas-6:00 ng Lunes ng gabi upang itakda ang gagawing aksyon ng lungsod kinabukasan.