Holdaper

‘Holdaper’ nakipag-agawan ng boga sa parak, aksidenteng nabaril sa leeg, tiklo

Edd Reyes Aug 12, 2026
28 Views

TIKLO ang umano’y holdaper na nakipambuno sa mga humabol na pulis makaraang holdapin ang 18-anyos na babaing estudyante sa loob ng pampasaherong jeepney Martes ng hapon sa Muntinlupa City.

Nakapagresponde kaagad ang mga tauhan ni Muntinlupa police chief P/Col. Olivia Ancheta sa tawag mula sa hotline 911 hinggil sa nagaganap na panghoholdap sa harap ng gasoline station sa East Service Road dakong alas-2:15 ng hapon kaya’t inabutan pa nila ang biktima na nagturo sa suspek na tumakas paakyat sa footbridge patungong West Service Road matapos makuha ang kanyang smartphone at wallet.

Hinabol nina P/SSg Lloyd Francisco at P/MSg Alvin Cordero ang suspek na si alyas “Eduardo” na bumunot umano ng baril matapos makorner kaya’t tinangka itong agawin ng mga pulis subalit sa gitna ng pag-aagawan, aksidente itong pumutok at tumama ang bala sa leeg ng holdaper.

Isinugod sa Ospital ng Muntinlupa ang suspek na bantay-sarado na ng pulisya matapos malapatan ng lunas habang nakuha sa kanya ang kalibre .45 pistola na kargado ng tatlong bala sa magazine, smartphone na nagkakahalaga ng P37,000.00, at wallet na kanyang tinangay sa biktima.

Pinuri naman ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco si Col. Ancheta at ang umarestong mga pulis sa mabilis na pagtugon sa tawag sa hotline 911 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na mahaharap sa mga kasong Robbery with Violence, Direct Assault, at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office,