QC

9 babae nasagip mula sexual exploitation sa spa sa QC

Jon-jon Reyes Aug 12, 2026
25 Views

NASAGIP ng National Bureau of Investigation-Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD) ang siyam na babaeng biktima umano ng sexual exploitation sa Quezon City, nitong Martes.

Nag-ugat ang kaso sa impormasyong nakuha hinggil sa umano’y operasyon ng isang spa sa Sta. Mesa Heights, Quezon City.

Ang establisimyento ay iniulat na nag-o-operate bilang isang massage spa habang nag-aalok din umano ng mga babaeng therapist sa mga kliyente para sa mga serbisyong seksuwal.

Kinumpirma ng isinagawang surveillance, online investigation, at beripikasyon na ang establisimyento ay nag-aalok sa Telegrrm ng “All-In” o “All the Way” na serbisyo.

Matapos nito ay nagsagawa ng entrapment at rescue operation ang NBI-OTCD katuwang ang Department of Justice Inter-Agency Council Against Trafficking (DOJ-IACAT), Social Services Development Department (SSDD) ng Quezon City, at NBI Human Trafficking Division (HTRAD).

Sa isinagawang operasyon, matagumpay na nakapag-book ang mga undercover agent ng tatlong babaeng therapist sa ilalim ng “All-In” package ng establisyimento.

Kinumpirma ng mga suspek ang booking, humingi at tumanggap ng napagkasunduang paunang bayad, habang tumulong naman ang isa sa kanila sa pag-aasikaso ng transaksyon. Matapos ang isang napagkasunduang hudyat, agad na inaresto ang mga suspek at nailigtas ang siyam na biktima.

Batay sa mga sinumpaang salaysay ng mga biktima, sila ay ni-recruit, pinanatili, at inialok sa mga kliyente para sa komersyal na serbisyong seksuwal.

Tinanggap o ipinagpatuloy nila umano ang nasabing trabaho dahil sa pangangailangang pinansyal at iba pang mga kalagayang naglalagay sa kanila sa panganib o kahinaan.

Ang mga nailigtas na biktima ay inendorso sa SSDD ng Quezon City para sa angkop na interbensyon.

Naghain ng mga kasong qualified trafficking in persons laban sa mga suspek alinsunod sa Seksyon 4(a), kaugnay ng Seksyon 6(c), ng Republic Act No. 9208 (o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003) na sinusugan ng Republic Act No. 10364, at kaugnay ng Seksyon 6 ng Republic Act No. 10175.

Muling pinagtibay ni NBI Director Melvin A. Matibag ang pangako ng ahensya na buwagin ang mga operasyon ng human trafficking sa Pilipinas sa pamamagitan ng koordinadong pangangalap ng impormasyon (intelligence gathering), mga sting operation, at pagpapatupad ng mga batas laban sa human trafficking..