Calendar
Nanutok na, may shabu pa, tiklo
INARESTO ng mga pulis ang 45-anyos na lalaki ng tutukan ng baril ang dating kasama sa inuupahang bahay na pinagdududahan niyang may relasyon sa kanyang kasintahan noong Sabado sa Pasay City.
Sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen.Glenn Oliver Cinco, dakong ala-1:30 ng madaling araw ng bumalik ang biktima sa dating tinitirhan nila ng suspek na si alyas Mateo sa Brgy. 192 upang kunin ang natitira pa niyang gamit at motorsiklo.
Doon na siya kinompronta ni alyas Mateo na humantong sa pagtatalo hanggang bumunot ng baril ang suspek at binantaan ang biktima habang nakatutok ang baril.
May magsumbong sa tauhan ni Pasay police chief P/Col. Joselito De Sesto kaya naaresto ang suspek.
Kusang sumuko ang suspek hanggang makumpiska sa kanya ang cal .38 revolver na may dalawang bala.
Nakuha rin sa kanyang bulsa ang 0.14 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P952.
Patung-patong na kaso ang kakaharapin ng suspek kabilang ang paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, grave threat at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

