Calendar
Pagnenonk ng kable ng pumping station sa Navota pinaiimbestigahan
PINAI-IMBESTIGAHAN na ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang pagnanakaw ng mga armadong kawatan sa mga kable ng pumping station noong Sabado sa Navotas City.
Mismong si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III ang nag-post sa kanyang opisyal na Facebook account ng naganap na pagnenok ng mga hindi pa kilalang armadong suspek sa halos 10-metrong grounding cable ng NavGate pumping station.
Nahagip pa sa kuha ng CCTV ang paglalakad ng mga armadong suspek na hindi na nasita ng nakatalagang guwardiya sa pangambang malagay sa panganib ang kanyang buhay.
Ang NavGate o Navotas Navigational Gate na may pumping station sa Navotas-Malabon River malapit sa Barangays Tangos at Tanza na karaniwang tinatawag na North Navotas Pumping Station ang kumokontrol sa umaapaw na tubig mula sa Manila Bay at nagpo-protekta sa mababang lugar sa magkatabing lungsod ng Malabon at Navotas.
Kinondena ni GM Torre ang ginawang pagnanakaw ng mga kawatan na aniya ay maliit na halaga lamang kumpara sa paglalagay sa panganib ng maraming residente sa Lungsod ng Navotas at Malabon.
Hinigpitan na rin ng mga awtoridad ang pagbabantay sa mga pumping stations habang tinutugis na rin ng kapulisan ang mga nakatakas na kawatan.

