Shabu

Mag-partner sa droga, nagbenta ng shabu sa pulisya, nabokya

Edd Reyes Aug 20, 2026
25 Views

ARESTADO ang delivery rider at umano’y kasabuwat niyang bebot nang pagbentahan nila diumano ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer Miyerkules ng gabi sa Caloocan City.

Sa ipinadalang ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin, umabot sa 252.2 gramo ng shabu ang nakumpiska ng pulisya sa 24-anyos na rider at 26-anyos na make-up artist na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1,714,960.

Ikinasa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police ang buy-bust operation dakong alas-10:19 ng gabi sa loob ng isang housing project sa Tala area sa North Caloocan, Brgy. 188 na umano’y ginagamit nilang bagsakan ng shabu.

Bukod sa bulto ng shabu, nakuha rin ng pulisya sa dalawa ang markadong salapi na kinabibilangan ng P500 genuine bill, anim na piraso ng P1,000 boodle money, at ang first aid kit bag na pinaglalagyan ng ilegal na droga.

Sinabi ni MGen. Aberin na bawat gramo ng ilegal na droga na kanilang nakukumpiska ay katumbas ng pagprotekta sa buhay at pamilya na nasisira sa epekto ng pang-aabuso sa ilegal na droga kaya’t hindi sila titigil sa pagtugis sa mga nagtutulak ng droga.