CCTV Nakapiit na sa MPD Station1 ang suspek na nagnakaw umano ng CCTV camera mula sa isang poste sa Brgy 105, Tondo, Manila. JONJON C. REYES

Kelot kalaboso sa pagnenok ng CCTV camera sa poste na bantay vs krimen

Jon-jon Reyes Aug 23, 2026
157 Views

CCTV1INARESTO ng mga kapulisan ng MPD ang isang 39-anyos na lalaki matapos umanong nakawin nito ang CCTV camera sa isang poste sa Aguinaldo Street, Brgy. 105, Tondo, Maynila Sabado ng madaling araw.

Nakilala ang suspek na si alyas Kristopher binata, scavenger, at nakatira sa 15A Lopez Jana Street, Magsaysay Villaga, Brgy. 105, Tondo.

Ayon sa report ng pulisya, bandang 12:05 ng madaling araw nang arestuhin ang suspek sa nabanggit na lugar.

Batay sa paunang imbestigasyon at sa salaysay ng mga operatibang nag-aresto, natukoy na habang sila ay naka-duty at nagpapatrolya sa kanilang nasasakupang lugar nang makita nila ang suspek na kinukuha ang CCTV camera.

Agad inaresto ng mga parak ang suspek at binawi ang ninakaw na kagamitan.

Dinala ang suspek sa Barangay 105 at agad rumesponde ang mga tauhan ng Smokey Mountain PCP upang magbigay ng tulong-pulisya.

Bukod dito, ipinaliwanag sa suspek ang dahilan ng kanyang pag-aresto pati na rin ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanyang nauunawaan. Kasunod nito, dinala ang suspek sa pinakamalapit na ospital para sa mandatoryong pagsusuring medikal at pisikal.

Kasalukuyang inihahanda ang mga kaukulang dokumento upang magsampa ng kasong paglabag sa Article 308 ng Revised Penal Code laban sa suspek, na ihahain sa City Prosecutor’s Office ng Maynila para sa inquest proceedings.