Calendar
Kelot may dalang baril sa resto bar, arestado
INARESTO ng pulisya ang 34-anyos na kelot matapos magpakilala umanong sundalo ng Philippine Army habang may dalang baril sa loob ng isang resto bar Lunes ng madaling araw sa Las Piñas City.
Nagsasagawa ng “Oplan-Bakal” ang mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco sa loob ng isang resto bar sa J. Aguilar Avenue, Brgy. Pulang Lupa Dos dakong ala-1:20 ng madaling araw nang aminin ni alyas “Noe” na may dala siyang baril sa loob ng kanyang belt bag.
Nagpakilala umanong sundalo si alyas Noe subalit nang hanapan ng identification card o anumang dokumentong magpapatunay na isa siyang sundalo, walang mai-prisinta ang suspek at sa halip, ang ipinakita sa mga pulis ay ang kanyang License to Own and Possess Firearms, Firearm Registration, at Permit to Carry Firearms Outside Residence.
Dahil dito, kinumpiska ng mga tauhan ng CAA Police Sub-Station na pinangangasiwaan ni Las Piñas Police Chief P/Col. Fermin Armendarez III ang kalibre .45 pistola, pati na ang dala niyang limang magazine at kabuuang 49 na bala na nasa loob ng kanyang itim na belt bag.
Mahaharap ang suspek ng kasong Usurpation of Authority at paglabag sa Section 7 ng R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Las Piñas City Prosecutor’s Office.

