Baril

Pekeng sundalo na armado inaresto sa resto bar sa Las Pinas

Edd Reyes Aug 24, 2026
126 Views

INARESTO ng mga pulis ang lalaking nagpakilalang miyembro ng Philippine Army habang may dalang baril sa resto bar noong Lunes sa Las Piñas City.

Umamin sa mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco sa resto bar sa J. Aguilar Avenue, Brgy. Pulang Lupa Dos dakong ala-1:20 ng madaling araw si alyas Noe na may dala siyang baril sa loob ng bag.

Nagpakilala umanong sundalo si alyas Noe subalit nang hanapan ng identification card, walang maiprisinta ang suspek at sa halip, ang ipinakita sa mga pulis ay ang kanyang License to Own and Possess Firearms, Firearm Registration, at Permit to Carry Firearms Outside Residence.

Dahil dito, kinumpiska ng mga tauhan ng CAA Police Sub-Station na pinangangasiwaan ni Las Piñas Police Chief P/Col. Fermin Armendarez III ang cal .45 pistol pati na ang 49 na bala.

Mahaharap ang suspek ng kasong usurpation of authority at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa Las Piñas City Prosecutor’s Office.