Calendar
Arestado ang suspek dahil sa paglabag sa RA 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009) matapos mabisto na naglagay ng pen spy cam sa loob ng banyo sa Malate, Manila. JONJON C. REYES
Namboso sa banyo, arestado

KALABOSO ang lalaki ng mabuking at makita sa video na nagseset up ng pen spy cam para makapangboso sa banyo ng Unident Laboratories Philippine Corp. sa 2272 Leon Guinto St., Brgy. 724, Malate, Maynila noong Martes.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009) ang suspek na si alyas Norvin, 32.
Base sa imbestigasyon, habang naliligo ang biktimang si alyas Bea, 39, napansin ang itim na bagay na nakasiksik sa likod ng inidoro.
Sinuri niya ang bagay matapos maligo kaya natuklasan na may laman itong memory card. Nag-Google siya upang matukoy kung ano ang bagay na iyon at lumabas na mini spy camera ito.
Ipinag-bigay alam ng biktima ang camera sa kanyang mga katrabaho upang suriin ang laman ng memory card at doon natuklasan ang mga video ng kanyang hubad na katawan habang naliligo.
Nakita rin ng biktima sa memory card ang mga kuha kung saan makikita ang mismong suspek na nagkakabit ng camera.
Iniulat ng biktima ang insidente sa Brgy. 724 at humingi ng tulong sa pulisya na humantong sa pag-aresto sa suspek.
Nakakulong sa Malate Police Station ang suspek.

