Resibo

Posibleng may butas sa paggamit ng aliases — Villanueva

34 Views

KINUWESTIYON ni Sen. Joel Villanueva ang mga patakaran sa confidential at intelligence funds na sinabi niyang may posibleng mga butas sa paggamit ng aliases, pagsusumite ng mga katibayang dokumento at paghawak ng special disbursing officers sa pera.

Sa pagdinig sa panukalang 2027 budget ng Commission on Audit nitong Huwebes, tinanong ni Villanueva kung dapat repasuhin ang Joint Memorandum Circular No. 2015-01. Sumang-ayon si COA Commissioner Douglas Michael Mallillin.

Tinanong din ng senador kung pinapayagan ng circular ang isang special disbursing officer o SDO na personal na magbayad sa mga informant sa iba’t ibang bahagi ng bansa at kung hanggang saan nito maaaring ipasa ang awtoridad na maglabas ng pera.

Nilinaw ni Mallillin na walang limitasyon sa bilang ng SDOs na maaaring italaga ng isang ahensya.

Maaari aniyang magtalaga ng ilang SDO batay sa mga programa at lawak ng operasyon ng ahensya, basta kuwalipikado silang maging mga opisyal na personal na mananagot sa pondong hawak nila.

“You know, I will not put you on the spot, Commissioner [Douglas Michael] Mallillin, but when I was listening to the explanation and the provisions of the Joint Memorandum, without going through or talking about any particular case, I find it—I think there are some loopholes in that particular Joint Memorandum Circular,” ani Villanueva.

“I wanted to ask, do you think, because I strongly believe that it should be revisited. Do you think that it should be revisited?” dagdag niya.

Ang SDO ang opisyal na awtorisadong tumanggap, mamahala at maglabas ng pondo para sa mga pinahihintulutang operasyon.

Tinanong ni Villanueva kung kailangan pang linawin ang mga patakaran sa paggamit ng aliases ng informants, mga dokumentong kailangan sa pagbabayad at pananagutan ng SDO sa pondong inilalabas nito.

Nauna nang sinabi ng COA na dapat balikan ang mga patakaran sa aliases na nakalagay sa acknowledgment receipts, patunay sa resulta ng operasyon, mga dokumento sa pagbili at lawak ng audit.

Saklaw ng 2015 circular ang paglalaan, paggamit, pag-uulat at pag-audit ng confidential at intelligence funds.

Magkatuwang itong inilabas ng COA, Department of Budget and Management, Department of the Interior and Local Government, Department of National Defense at Governance Commission for GOCCs.