Calendar
Mga senador halos tabla kung matutuloy bgy, SK polls — Zubiri
HALOS tabla ang mga senador kung matutuloy ang barangay at Sangguniang Kabataan elections, ayon kay Sen. Juan Miguel Zubiri.
“Hati ang Senado. I’d say very close split ang mga senador pagdating sa postponement or tuloy ang eleksyon,” sinabi ni Zubiri nitong Huwebes.
Ayon sa senador, maaaring talakayin muna sa caucus o pulong ng mga senador ang usapin bago ito pagbotohan sa plenaryo.
Sinabi ni Zubiri na nais ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, sponsor ng panukala, na malaman ng Commission on Elections at mga opisyal ng barangay sa kalagitnaan ng Setyembre kung matutuloy ang halalan.
Tinatayang pagsapit ng Setyembre 15 o 16 ay maaaring luminaw ang magiging direksiyon ng Senado, ayon kay Zubiri.
Ipinaliwanag niyang hindi simpleng postponement ang panukala ni Escudero kundi pagtatakda ng dalawang limang-taong termino para sa mga opisyal ng barangay at SK. Sa kasalukuyan, sinabi niyang tatlong tatlong-taong termino ang pinapayagan.
Sa paliwanag ni Zubiri, ibibilang ang kasalukuyang panunungkulan ng mga incumbent bilang unang limang-taong termino. Pagkatapos umano ng 2028 idaraos ang susunod na halalan para sa panibagong limang-taong termino.
Ayon kay Zubiri, maaaring labag sa Konstitusyon at maibasura ng Supreme Court ang simpleng pagpapaliban ng eleksiyon. Inilarawan niya ang panukala ni Escudero bilang “fixing of terms” o pagtatakda ng haba at limitasyon ng termino.
Wala pang pinal na posisyon si Zubiri at sinabi niyang pakikinggan muna niya ang mga debate.
Sinabi niyang may mga kapitan ng barangay na gustong maurong ang halalan. Kinilala rin niyang may mga botanteng gustong palitan ang mga incumbent, lalo na sa SK.
Binanggit din ni Zubiri na mayroon nang asawa o anak ang ilang SK officials.
Wala pang napagkakasunduang posisyon ang Senado kung matutuloy ang halalan o babaguhin ang termino ng mga kasalukuyang opisyal.

