Gamot

3.1M gamot sa leptospirosis nakatengga sa DOH bodega sa gitna ng baha — Tulfo

27 Views

UMANI ng pagpuna mula sa Senado ang pamunuan ng Department of Health matapos mabulgar na mahigit 3.1 milyong kapsula ng gamot laban sa leptospirosis ang nananatiling nakaimbak sa central warehouse ng ahensya sa kabila ng malawakang pagbaha at pagtaas ng mga kaso ng impeksyon sa bansa.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa panukalang 2027 budget ng kagawaran na pinamunuan ni Senator JV Ejercito, kinuwestiyon ni Senator Raffy Tulfo ang logistical priorities ng ahensya at inusisa kung bakit hindi agad ipinamahagi sa mga lokalidad ang mga nasabing suplay.

Kinumpirma ng mga opisyal ng DOH sa komite na bagamat nakapagbaba na ang ahensya ng 2.5 milyong kapsula sa iba’t ibang panig ng bansa, may 3.1 milyong kapsula pa ang nananatili sa kanilang central warehouse.

“Naka-stock? No problema, in-stack nyo lang para mag-expire ulit. I-distribute nyo na yan. Ang daming nangangailangan. Ang daming mga luganan binababaan ngayon. Ang daming mga pasyente ng leptos. Pamigay na yan,” pahayag ni Tulfo.

Tiniyak naman ng pamunuan ng DOH sa komite na agad nilang aaksyunan ang pagbaba at pamamahagi ng natitirang mga gamot sa mga pampublikong pagamutan at rural health units.

Inusisa rin ni Tulfo ang mga nakaraang ulat at nagpakita ng mga larawan hinggil sa mga nag-expire na gamot na ibinaon sa lupa sa Tala compound sa Caloocan City, kung saan iginiit niyang hindi totoo ang mga pahayag na naibabalik sa mga supplier ang mga nag-e-expire na gamot.

Ipinaliwanag naman ni Health Undersecretary Gloria Balboa na ang pagkakaantala at pagkatambak ng mga suplay ay nag-uugat sa mga aberya sa procurement, mga nabigong bidding, kakulangan sa forecasting ng mga program managers, at mga pagkaantala sa supply chain.

Sinabi ni Health Secretary Edwin Mercado na nagpapatupad na ang kagawaran ng mas mahigpit na panuntunan kung saan dapat may natitira pang 18 buwang shelf life ang mga gamot na ihahatid ng mga supplier, kasabay ng pagsasaayos sa digital inventory management upang masubaybayan ang mga suplay hanggang sa mga komunidad.