Calendar
TULFO GUSTONG PARANGALAN NG SENADO SI LEA SALONGA
MATAPOS ang pagkilala kay Lea Salonga sa Hollywood Walk of Fame, naghain si Sen. Erwin Tulfo ng resolusyon na humihiling sa Senado na parangalan ang Filipina theater at music icon para sa kanyang mga ambag sa sining at entertainment.
Sa Proposed Senate Resolution No. 635, sinabi ni Tulfo na si Salonga ang unang Filipino na tumanggap ng star sa Hollywood Walk of Fame matapos ang kanyang induction noong Setyembre 4 sa Los Angeles, California.
Ayon sa resolusyon, natanggap ni Salonga ang ika-2,855 star sa Hollywood Walk of Fame.
Isa sa mga tampok na detalye sa resolusyon ang lawak ng 45-taong karera ni Salonga. Ayon dito, nagtanghal siya para sa anim na pangulo ng Pilipinas at apat na pangulo ng Estados Unidos, gayundin kina Princess Diana at Queen Elizabeth II.
Binanggit din sa resolusyon ang pagkapanalo ni Salonga ng Tony Award para sa kanyang pagganap bilang Kim sa “Miss Saigon,” pati ang pagiging unang Asian woman na nanalo ng naturang parangal.
Ayon din sa resolusyon, si Salonga ang unang Asian actress na gumanap bilang Éponine sa “Les Misérables” sa Broadway.
Kabilang din sa mga career milestone na binanggit ang pagiging singing voice ni Princess Jasmine sa Disney’s “Aladdin” at ni Mulan sa “Mulan” at “Mulan II.” Sinabi rin sa resolusyon na kinilala siya ng Walt Disney Company bilang Disney Legend.
Itinala rin ng panukala ang kanyang mga pagtatanghal sa Sydney Opera House, The O2, Walt Disney Concert Hall, Singapore’s Esplanade, Hong Kong Cultural Centre at Carnegie Hall.
Sinabi ni Tulfo sa resolusyon na patuloy na nagdadala ng karangalan si Salonga sa bansa at sa mga Pilipino sa pamamagitan ng kanyang mga tagumpay sa entertainment.
Hinihiling ng Proposed Senate Resolution No. 635 na pormal na parangalan at papurihan ng Senado si Salonga para sa kanyang mga ambag sa sining at sa pagkilala sa kanya sa Hollywood Walk of Fame.

