Maghapong kita pwedeng maubos sa 15 minuto ng sugal online

198 Views

ANG P1,000 na kinita ng isang karaniwang manggagawa sa maghapon ay maaaring matalo sa online sugal sa loob lamang ng 15 minuto, babala ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Ginamit ni Cayetano ang halimbawa ng isang taxi driver na kumita ng ₱1,000 sa isang araw ngunit maaaring mawala rin agad ang buong halaga sa pagtaya gamit ang cellphone.

“You could be a taxi driver at sa cellphone mo, whether while driving or sometimes nakaparada ka lang, at kumita ka ng isang libo noong araw na iyon, pero matatalo ka ng isang libo in 15 minutes,” ani Cayetano.

Ginawa niya ang pahayag sa interpellation sa Senate Bill No. 2424 sa ilalim ng Committee Report No. 81, o Child Safety and Protection Act, noong Setyembre 7.

“I just want to manifest my personal stand, which is lahat ng online gaming i-ban totally because it’s habit-forming, it’s addictive, and it preys mostly on the poor,” aniya.

Giit ni Cayetano, mahirap kontrolin ang online gambling dahil madaling ma-access ito sa cellphone.

“In the information age, in the digital age, in a generation that is entering this world where everything is at your fingertips because of your cell phone, napakahirap mag-regulate,” aniya.

Sinuportahan din ni Cayetano ang paghihigpit sa online gambling advertisements.

Ilang Kongreso ng naghahain si Cayetano ng mga panukala laban sa online gambling.

Noong 19th Congress, inihain niya ang Anti-Online Gambling Act. Sa 20th Congress, inihain niya kasama si Sen. Pia Cayetano ang Senate Bill No. 30 o proposed Ban on Online Gambling Act.

Inihain din ni Cayetano ang Senate Bill No. 109 na naglalayong ipagbawal ang online gambling advertisements sa iba’t ibang media platform.

“When it comes to certain things that are totally unhealthy, like vape and online gaming, may we find the courage to totally ban it in our country,” aniya.