Calendar
Prosekusyon ‘di na tatawag ng 15 testigo, focused na kay VP Duterte
HINDI na ipiprisinta ng House prosecution panel ang 15 natitirang testigo sa Article I ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte dahil naniniwala silang sapat na ang mga dokumento at testimonya upang hindi na kailanganin ang mga natitirang testigo sa alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds.
Sinabi ni private prosecutor Lorna Kapunan sa Senate impeachment court na napagdesisyunan nila na hindi na tawagin lahat ng natitirang 15 testigo para sa Article I.
“We have decided to forego, your honors, not only with the witnesses subpoenaed for today but with all the remaining 15 witnesses,” ani Kapunan.
Ayon sa kanya, nakabatay ang posisyon ng prosecution sa 4,750 dokumentong naiprisinta at natukoy sa pamamagitan ng 12 testigo, 10 sa kanila ang personal na humarap sa impeachment court.
“It is the prosecution’s contention that the case has become very clear,” sabi ni Kapunan.
Ginamit ni Kapunan ang chessboard bilang paghahambing upang igiit ang teorya ng prosecution na ang mga opisyal, dokumento at transaksiyong naiprisinta nito ay tumuturo kay Duterte.
Sa halip na iprisinta ang natitirang 15 testigo, balak ng prosecution na iprisinta si Duterte kaugnay ng alegasyon ng paggamit, maling paggamit at misappropriation ng confidential funds sa Article I.
Wala pang pasya ang impeachment court na si Duterte ang may pananagutan sa umano’y maling paggamit ng pondo. Ang pahayag na ang ebidensiya ay tumuturo sa Bise Presidente ay posisyon ng prosecution na maaari pang kuwestiyunin ng depensa.
Saklaw ng Article I ang P612.5 milyong confidential funds — P500 milyon sa Office of the Vice President at P112.5 milyon sa Department of Education noong si Duterte ang education secretary.
Kabilang sa mga naunang testimonya ang pahayag ni dating OVP special disbursing officer Gina Acosta na inutusan umano siya ni Duterte na ibigay kay Col. Raymund Dante Lachica ang apat na tig P125 milyong tranche, o kabuuang P500 milyon, sa confidential funds.
Sa DepEd naman, tumestigo si dating undersecretary Michael Wesley Poa na iniutos ni Duterte ang paglilipat ng P112.5 milyong confidential funds kay Col. Dennis Nolasco, na noon ay security officer ng kagawaran.
Nauna nang sinabi ni lead prosecutor Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na hindi na rin tatawagin ng panel sina Lachica at Nolasco dahil, ayon sa prosecution, sapat na ang naiprisintang ebidensiya para suportahan ang kanilang alegasyon.
Hindi na rin ipiprisinta bilang testigo si dating DepEd special disbursing officer Edward Fajarda matapos irekomenda ng mga doktor na ipagpatuloy niya ang kanyang recovery mula sa stroke.
Nauna nang nagdala ang prosecution sa impeachment court ng 15 kahon ng liquidation at supporting documents kaugnay ng confidential funds ng OVP at DepEd.
Kasama rin sa mga ebidensiyang naiprisinta ang mga pangalan sa acknowledgment receipts na sinuri laban sa civil registry records. Iginiit naman ng depensa na ang ilan sa mga pangalan ay aliases ng confidential informants.
Sa pagtanggal sa natitirang 15 testigo, pinaikli ng prosecution ang presentasyon nito sa Article I.
