Calendar
MAGULANG, BARANGAY, LGU DAPAT KASAMA SA PAGTIYAK NG SCHOOL SAFETY — GATCHALIAN
HINDI dapat eskwelahan lang ang sumalo sa usapin ng school safety, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, na nanawagang isama ang mga magulang, barangay at local government units sa pagprotekta sa mga estudyante laban sa karahasan at iba pang panganib sa campus.
Dumating ang interpellation sa Senate Bill No. 2426 o proposed Comprehensive School Safety Act sa gitna ng mas matinding pangamba sa seguridad sa mga paaralan matapos ang mga pamamaril sa Tacloban at Zamboanga nitong taon.
Sa Tacloban, tatlong estudyante ang nasawi sa pamamaril sa San Jose National High School noong Hunyo 22, habang isa pang shooting incident ang naganap sa junior high school campus ng Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18.
“This measure is truly timely… we see that we cannot place the responsibility on the school alone; parents, barangays, and local government units must also be involved to protect our youth in our schools,” sabi ni Gatchalian sa interpellation nitong Martes.
Layunin ng panukala na magtatag ng national school-safety framework na sasaklaw sa prevention, emergency response at recovery mula sa mga banta at insidenteng may kinalaman sa kaligtasan sa paaralan.
Magkakaroon din ang mga paaralan ng localized school-safety plans batay sa kanilang partikular na pangangailangan at panganib.
Bilang dating chairman ng Senate basic education committee, hiniling ni Gatchalian na linawin kung paano aktuwal na ipatutupad ang mga localized safety plan sa mga komunidad.
Binigyang-diin niya na dapat gamitin at palakasin ang mga umiiral nang mekanismo sa halip na magkaroon ng magkakapatong na responsibilidad sa pagitan ng school heads, parents, barangays at LGUs.
Partikular niyang itinulak ang mas malinaw na papel ng existing school governing councils sa pagpapatupad ng safety measures.
Sinabi naman ni Sen. Bam Aquino, sponsor ng panukala, na school heads ang mangunguna sa localized safety frameworks sa konsultasyon sa mga umiiral nang local bodies.
Bukas din si Aquino sa mungkahing tahasang italaga ang school governing councils upang maging mas malinaw ang pagpapatupad at maiwasan ang dobleng tungkulin ng mga local stakeholders.
Sa ilalim ng mas malawak na panukala, ang school-safety framework ay hindi lamang tutugon sa isang insidente kapag nangyari na ito kundi magtatakda rin ng mga hakbang sa prevention, emergency response at recovery.
Para kay Gatchalian, kailangang malinaw ang papel ng bawat sektor dahil hindi maaaring manatili sa loob lamang ng school gate ang responsibilidad sa kaligtasan ng mga estudyante.

