Japanese

Overstaying, walang papel, may kasong Japanese nat’ls sinipa sa PH ng BI

Jun I Legaspi Sep 9, 2026
165 Views

IPINADEPORT ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Japanese nationals patungong Japan noong Martes, Setyembre 8, dahil sa pagiging overstaying, undocumented, at ilan ay mga pugante na sangkot sa umano’y mga kaso ng fraud at pagnanakaw.

Kabilang sa mga ipinaalis sina alyas Oi, 28, at Moriyama, 31, na natukoy na overstaying, undocumented, at mga “undesirable aliens” na may kaugnayan sa telecommunication fraud, online gaming fraud, at isang kidnapping-related scheme.

Ipinaalis din sina alyas Daisuke, 51, at Hamai, 53, na idineklarang “undesirable aliens” dahil sa pagiging mga pugante mula sa Japan na may nakabinbing warrant of arrest para sa kasong pagnanakaw.

Ang apat ay sumakay sa Japan Airlines flight patungong Narita, na sinamahan ng mga tauhan mula sa Japan National Police Agency (JNPA).

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado, patuloy na palalakasin ng Bureau ang pagpapatupad ng batas at pakikipagtulungan sa mga dayuhang law enforcement agencies upang maiwasang maging kanlungan ang Pilipinas ng mga pugante at dayuhang sangkot sa ilegal na gawain.

“Patuloy tayong makikipagtulungan sa ating mga international law enforcement counterparts upang matiyak na ang Pilipinas ay hindi magiging kanlungan ng mga pugante at dayuhang lumalabag sa ating mga batas,” ani Viado.

Dagdag ng BI, isinagawa ang deportasyon alinsunod sa mga umiiral na batas sa imigrasyon ng Pilipinas at sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Japan.