Calendar
DI MAIPALIWANAG NA YAMAN NA VP SARA MAUUSISA NA — CHUA
MALUGOD na tinanggap ng House prosecution nitong Miyerkules ang desisyon ng City Prosecutor ng Quezon City na ibasura ang petisyong inihain ng asawa ni Vice President Sara Z. Duterte upang pigilan ang pagsisiwalat ng kanilang mga rekord ng transaksiyon sa bangko.
Dumating ang naturang desisyon sa napapanahong pagkakataon dahil nakatakda nang talakayin sa impeachment trial ang mga alegasyon tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman.
Sinabi ni House prosecutor at Manila City Rep. Joel Chua na inaasahan ang desisyon ng QC prosecutor dahil ang reklamong inihain ni Manases Carpio ay umano’y naglalayong manggulo hindi lamang sa mga miyembro ng House of Representatives kundi maging sa mga testigong haharap sa Senate Impeachment Court sa susunod na linggo.
“Inaasahan naman natin na ito ay talagang maliwanag na madi-dismiss dahil unang-una, ito ay maliwanag na harassment lamang sa amin sa paggawa ng aming o sa pagtupad ng aming tungkulin. Pangalawa, wala naman talagang basehan yung kanyang reklamo at ikatlo ay ito ay ginawa namin in the line of work nung kami po ay nagco-committee hearing kaya alam naman natin na may immunity,” ani Chua.
Sinabi ni Chua na maaari nang magpatuloy ang prosecution sa Impeachment Article II, o ang alegasyong nagkamal si Duterte ng hindi maipaliwanag na yaman, nang walang legal na hadlang, lalo na para sa mga testigo.
“Hindi na ito magiging balakid para sila ay tumestigo dito sa impeachment trial lalong lalo na ang tatalakayin ngayon ay patungkol sa unexplained wealth kung saan ito yung nilalaman ng kanilang reklamo at ako naniniwala na yung mga testigo dito ay hindi na matatakot dahil dito sa pending na kaso na isinampa,” ani Chua.
Ayon kay Chua, humigit-kumulang 10 testigo mula sa pamahalaan at pribadong sektor, gayundin ang hindi bababa sa 15 kinatawan ng mga institusyong pagbabangko, ang magbibigay ng testimonya tungkol sa mga rekord ng bangko ng mag-asawang Duterte-Carpio, Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ng bise presidente, at kanilang mga interes sa negosyo.
Magsisimula ang House prosecution sa paglalahad ng kanilang kaso para sa Impeachment Article II sa Lunes, kaya sinabi ni Chua na napapanahon ang naging desisyon ng QC prosecutor.
“Yung mga testigo na uupo na dinamay nila dito para harasin, para mapigilan yung kanilang mga sasabihin sa impeachment ay wala nang magiging hadlang. So naniniwala kami na lahat nitong mga kaso na ibinabato ay para lamang mapigilan, para maharas ang mga testigo,” ani Chua.
Natanggap na ng Senate Impeachment Court ang mga rekord ng bangko at iba pang dokumentong pinansiyal na naging paksa ng mga subpoena na hiniling ng House prosecution kaugnay ng Impeachment Article II.
Kasalukuyang minamarkahan ng mga miyembro ng prosecution at defense panels ang libo-libong dokumentong gagamitin sa paglilitis.
Sinabi ni Chua na pinag-aaralan ng prosecution ang posibilidad na makipagkasundo ang defense panel sa pagkilala sa mga dokumento ng bangko upang mapabilis ang proseso.
Kabilang sa mga testigong magbibigay ng testimonya kaugnay ng Article II si dating Senator Antonio Trillanes IV, na matagal nang sumusubaybay sa umano’y ill-gotten wealth ng pamilya Duterte, maging noong siya ay aktibong senador pa.
Sinabi ni Chua na magbibigay si Trillanes ng mahahalagang impormasyon tungkol sa isyu ng hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente dahil siya ang unang naglahad ng ebidensiya, sa anyo ng mga dokumento ng bangko, tungkol sa dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang miyembro ng kanyang pamilya.
Sinabi naman ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union na ginawa nang adbokasiya ni Trillanes ang pagsisiwalat at paghabol sa umano’y ilegal na yaman na naipon ng mga Duterte, kaya magiging mahalaga ang kanyang testimonya sa Article II.
“Actually, yung mga siniwalat niya dati, hindi pa tayo Congressman noon, na-cross-check lahat yan. Kumbaga parang nasilip niya lahat itong mga ‘to. So again, ayoko naman pangunahan kung sino or ano yung order of witnesses, pero Trillanes is coming,” ani Ortega.
