Calendar
Abante: VP Sara dapat tanggalan ng lisensya
NANINIWALA si Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na dapat matanggalan ng lisensya bilang abogado si Vice President Sara Z. Duterte dahil sa kanyang mga pahayag at hayagang pagsasabing wala siyang tiwala sa mga korte at law enforcement agencies ng bansa.
Ayon kay Abante, dapat suriin ang mga naging pahayag ni Duterte hindi lamang bilang Pangalawang Pangulo ng bansa kundi maging bilang isang abogado na itinuturing na opisyal ng hukuman.
“Sa akin, palagay ko, sa akin dapat talaga i-disbar ’ yan,” ang pahayag ni Abante.
Kabilang sa mga dahilan na dapat isaalang-alang ang mga naging pahayag umano ni Duterte laban sa Pangulo at ang paggamit niya ng mga salitang hindi naaayon sa inaasahang asal ng isang abogado.
“Hindi dapat ’yung salita ng isang Vice President at salita ng isang abogado,” dagdag nito.
Sinabi ni Duterte noong Sabado na wala siyang tiwala sa mga korte at pulis matapos siyang humarap sa isang korte sa Quezon City upang maglagak ng P360,000 piyansa kaugnay ng tatlong kaso ng grave threats na kinasasangkutan nina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Kinuwestiyon ng kongresista kung paano maaaring sabihin ng isang abogado na wala siyang tiwala sa judicial system habang nananatili itong miyembro ng Philippine Bar.
“Wala kang tiwala sa judicial system natin, eh ba’t abogado pa siya? ’Di ba?” tanong ni Abante.
Kinuwestiyon din ni Abante ang pahayag ni Duterte laban sa mga law enforcement agency, gayong patuloy naman umano siyang nakatatanggap ng seguridad at proteksiyon mula sa mga ito.
“Wala siyang tiwala sa law enforcement agencies natin, ba’t ang dami niyang security guard? Ang dami niyang bodyguard? Ang daming nagbabantay sa kanya,” ani Abante.
Para kay Abante, nagpapakita umano ito ng hindi pagkakatugma sa mga pahayag ng Bise Presidente.
“Sa akin lang po, ah, that is plain hypocrisy. Plain hypocrisy po ’yan,” sabi ni Abante.

