Nv solon

NV solon: Salamat sa pagkilala

Mar Rodriguez Sep 11, 2026
20 Views

PINASALAMATAN ni House Assistant Majority Leader at Nueva Vizcaya Rep. Atty. Timothy Joseph Cayton ang Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya sa pagkilala sa kanyang pagkakatalaga bilang Assistant Majority Leader ng Kamara de Representantes.

Nagtungo sa Kongreso sina Board Member Eunice Galima-Gambol, Donabel Gallera, Raquel Valdez at Leinilyn Gascon upang ihatid kay Cayton ang “Resolution No. 2026-6551” at ang mensahe ng suporta at pagkilala ng Provincial Board.

Ayon kay Cayton, higit pa sa isang karangalan ang naturang resolusyon dahil nagsisilbi rin itong paalala sa mas malaking responsibilidad na kaakibat ng kanyang bagong tungkulin sa Kamara.

Lalo siyang dapat magsikap, maglingkod nang may integridad at buong pagmamalaking kumatawan sa mga Novo Vizcayano sa Kongreso, sabi ng kongresista.

Pinasalamatan din ng Assistant Majority Leader si Board Member Tita Leahtidang sa pag-akda at pagsusulong ng resolusyon, na sinabing nagkaroon ng nagkakaisang suporta mula sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Ipinahayag ni Cayton ang kanyang pasasalamat sa patuloy na tiwala at suporta ng mga Novo Vizcayano, at nangakong gagampanan niya nang buong dedikasyon ang kanyang tungkulin bilang kanilang kinatawan sa Kongreso.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang pagkakatalaga bilang Assistant Majority Leader ay hindi lamang personal na tagumpay, kundi dagdag na pagkakataon upang higit na maisulong ang mga programa at interes ng mga taga-Nueva Vizcaya.