School

Gatchalian: Sa 180 school days, 30-50 araw nawawala

153 Views

UMAABOT sa average na 30-50 araw ng klase mula sa 180-day school calendar ang nawawala dahil sa class suspensions, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

Nanawagan ang senador na gawing mas localized at targeted ang pagsususpinde sa halip na malawakang suspensyon ng face-to-face classes.

Sa nakalipas na dalawang taon, average na 30 hanggang 50 class days ang nawala dahil sa mga suspensyon ng klase, batay sa pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na binanggit ng kanyang tanggapan.

Ayon din sa kanyang opisina, naapektuhan ng class suspensions ang face-to-face learning sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa hindi bababa sa 20 weekdays sa nakalipas na 30 araw.

“This is concerning. While we know that class suspensions seek to ensure the safety of learners and teachers, widespread disruption to classes can aggravate learning loss,” sabi ni Gatchalian.

Dapat payagang magpatuloy ang klase sa mga paaralan o lugar na hindi apektado at ligtas naman.

“Bagama’t tinitiyak natin ang kapakanan ng ating mga mag-aaral tuwing may kalamidad, kailangan din nating tiyaking magpapatuloy ang edukasyon sa mga ligtas na lugar,” dagdag niya.

Isinusulong din ni Gatchalian ang Senate Bill No. 53 o 21st Century School Boards Act, na naglalayong palakasin ang papel ng local school boards sa basic education.

Sa ilalim ng panukala, magiging responsable ang local school boards sa mabilis, maayos at localized na mga hakbang upang maipagpatuloy ang basic education tuwing may sakuna, kalamidad o emergency.