Calendar
Ridon kay VP Sara: Magpakita po kayo sa Lunes
HINAMON ni Bicol Saro Party List Rep. Terry Ridon si Vice President Sara Duterte na humarap sa Senado sa Lunes habang sisimulan ng mga prosecutor ang paglalahad ng ebidensiya kaugnay ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente kasama na ang kanyang pamilya.
Direktang hinamon ni Ridon si Duterte na dumalo sa impeachment proceedings.
“Magpakita po kayo sa Lunes,” ang hamon ni Ridon kay VP Sara.
Mahalagang personal na masaksihan ni Duterte ang paglalahad ng mga ebidensiya na may kaugnayan sa yaman na umano’y hindi maipaliwanag ng Bise Presidente at ng kanyang asawa.
Inihayag ni Ridon ang hamon matapos sabihin umano ni Duterte na isinampa ang impeachment complaint nang walang sapat na ebidensya at ginagamit ang Kongreso upang maghanap ng mga ebidensiya laban sa kanya.
Ayon pa kay Ridon, kung naniniwala ang Bise Presidente na walang sapat na batayan ang kaso, dapat umano itong humarap sa impeachment court at pakinggan ang paglalahad ng prosecution.
Personal na humarap si Duterte sa Quezon City Regional Trial Court noong Setyembre 5 upang maglagak ng piyansa matapos makita ng korte ang probable cause upang siya ay litisin sa tatlong bilang ng grave threats.
Ayon sa prosecution, sisimulan nito sa Lunes (Setyembre 14) ang presentasyon ng mga ebidensiya sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
Nauna nang nakakuha ang prosecution mula sa Senate impeachment court ng mga kopya ng mga bank records at tax records na isinailalim sa subpoena. Kabilang dito ang mga rekord na may kaugnayan kay Duterte, sa kanyang asawa na si lawyer Manases “Mans” Carpio, at sa kanilang mga kompanya.
Nauna nang natapos ng prosecution ang presentasyon ng ebidensiya kaugnay ng grave threats at umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Ngayon naman, tututukan ng prosecution ang ikatlong usapin hinggil sa sinasabing hindi maipaliwanag na yaman.
“Kung nagpapakita po ’yung Pangalawang Pangulo doon po sa paglilitis, makikita po niya na nakumpleto na po ng prosecution ’yung dalawang magkakahiwalay na sets of evidence para po sa grave threats, para po sa confidential funds misuse,” ani Ridon.
Dagdag ng Party List solon, sa Lunes ay sisimulan na ng prosecution ang paglalahad ng ebidensiya kaugnay ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente at ng kanyang asawa.

