Calendar
Aquino: Excise tax sa langis dapat suspendihin muna
MAHIGIT 30 araw ng lampas sa $80 kada bariles ang one-month average price ng Dubai crude oil kaya dapat gamitin ng administrasyon ang mekanismo sa batas para suspindihin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo, ayon kay Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12316, maaaring suspindihin o bawasan ng Pangulo ang excise tax sa langis kapag ang one-month average Dubai crude price, batay sa Mean of Platts Singapore, ay umabot o lumampas sa $80 kada bariles.
“Mahigit 30 araw nang lampas sa $80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil. Dapat nang umaksiyon ang administrasyon at agad suspindihin ang excise tax sa produktong petrolyo,” sabi ni Aquino.
Ayon sa pahayag ni Aquino, nasa $116.42 kada bariles ang Dubai crude oil noong Setyembre 10.
Ang Department of Finance ay naghihintay ng certification mula sa DOE sa pag-abot sa itinakdang oil-price threshold bago maitulak muli ang suspension sa ilalim ng RA 12316.
Nagamit na rin ang mekanismong ito noong Abril ng pansamantalang suspindihin ang excise tax sa LPG at kerosene matapos ma-certify ng DOE na lumampas sa $80 kada bariles ang 30-day average ng Dubai crude.
Nananawagan din ang LPG Marketers’ Association Partylist na suspindihin ang excise tax sa langis.
Ayon kay Aquino, makatutulong ang suspension para mabawasan ang pasanin ng mataas na presyo ng langis sa mga pamilya, motorista, commuter, manggagawa at maliliit na negosyo.
“Makababawas ito sa pasanin ng ating mga kababayan sa mataas na presyo ng langis, na nagreresulta rin sa pagmahal ng bilihin,” aniya.
Bukod sa agarang suspension, itinulak din ni Aquino ang mas permanenteng pagbabawas sa buwis sa langis.
Inihain din ni Aquino ang Senate Bill No. 2047, o VAT Reduction Act, na naglalayong ibaba ang value-added tax mula 12 porsiyento sa 10 porsiyento sa mga bilihin at serbisyo, kabilang ang produktong petrolyo.

