Calendar
Ridon kay VP Sara: ‘Masyado kang makasarili’
“MASYADO kang makasarili!”
Ito ang mensahe ni Bicol Saro Party List Rep. Terry Ridon kay Vice President Sara Duterte matapos tawaging “makasarili” ang Pangalawang Pangulo dahil nagpapakita ng kawalang-pakialam sa panawagan na magbitiw si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Ayon kay Ridon, hindi nakapagtataka kung ang mga tagasuporta ng Bise Presidente ang manawagan para sa pagbibitiw ng Pangulo ngunit iba ang sitwasyon dahil si Duterte mismo ang nananawagan nito, gayong siya ang unang nasa linya ng succession sakaling matanggal o bumaba sa pwesto ang Pangulo.
“Sa totoo lang, nakakatawa yung kanyang panawagan para sa pagbibitiw ng ating Pangulo. Ang nakakatawa roon, yung makikinabang sa pag-alis halimbawa ng isang Pangulo, yung mismong nananawagan,” sabi ni Ridon.
Ginawa ni Duterte ang panawagan sa harap ng kanyang mga tagasuporta sa labas ng Quezon City Regional Trial Court kung saan nakatakda sana ang kanyang arraignment kaugnay ng kasong grave threats.
Ayon sa Bise Presidente, dapat bumaba sa puwesto si Marcos dahil umano sa pagiging “sinungaling, abusado at corrupt.”
Para kay Ridon, maaaring kakaiba ang sitwasyon dahil hindi niya maalalang may isang nakaupong bise presidente noon na hayagang nanawagan para sa pagbibitiw ng isang Pangulo habang siya mismo ang maaaring makinabang sa pagbabago ng liderato.
“Very self-serving yung panawagan ng Pangalawang Pangulo na magbitiw sa pwesto ang ating Pangulo,” dagdag ng mambabatas.
Maaari namang ipaubaya ni Duterte sa kanyang mga tagapagsalita o tagasuporta ang pagpapahayag ng ganitong mga panawagan.
Giit ng kongresista, malinaw umano kung sino ang direktang makikinabang sakaling magbitiw sa pwesto ang Pangulo.
“Dahil sa dulo, alam naman ng tao yun na ang makikinabang pag nagbitiw ang Pangulo ay walang iba kundi ang Pangalawang Pangulo,” pahayag ni Ridon.
Si Duterte ay kasalukuyang nahaharap sa impeachment proceedings sa Senado, habang nagpapatuloy rin ang mga legal na usapin na may kaugnayan sa iba’t ibang alegasyon laban sa kanya.

