Calendar
Abante umaasang babalik sa PH Sens. Alan, Pia
UMAASA si Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. na babalik sa Pilipinas sina Sens. Alan Peter Cayetano at Pia Cayetano matapos kumpirmahin ng Bureau of Immigration na kapwa sila nasa labas ng bansa.
Nabanggit ni Abante ang pag-alis ng magkapatid kaugnay ng usapin sa magiging pagboto ng mga senador sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Nang tanungin tungkol sa pag-alis ng magkapatid, sinabi ni Abante na hindi niya alam na nakabiyahe na ang mga ito.
“Hindi ko alam ‘yan. Umalis na pala. Hopefully babalik sila,” sabi ni Abante.
Iniugnay rin ng kongresista ang usapin sa naunang tanong ni Senator-Judge Erwin Tulfo tungkol sa magiging partisipasyon ng mga senador na hindi nakadadalo sa mga paglilitis sa magiging desisyon ng impeachment court.
Ayon sa Bureau of Immigration, kapwa nasa labas ng bansa sina Alan Peter at Pia Cayetano at walang hold-departure order o derogatory record laban sa dalawa na maaaring legal na pumigil sa kanilang pag-alis.
Sinabi ni Abante na may kaugnayan ang pag-alis ng mga senador sa nagpapatuloy na debate tungkol sa bilang ng boto na kailangan para sa conviction sa impeachment case.
Ayon sa mambabatas, malinaw sa Konstitusyon na kailangan ang two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.
“Ako naniniwala, nakalagay sa Constitution na two-thirds po yan, two-thirds of all the senators,” sabi nito.
Gayunman, sinabi ni Abante na may mga katanungan pa rin tungkol sa epekto ng pagliban o hindi paglahok ng ilang senator-judge sa magiging boto.
Nakatakda nang talakayin ng impeachment court ang usapin sa voting threshold sa Setyembre 23.
Noong Setyembre 8, itinakda ni Senate President at presiding officer Francis Escudero ang oral arguments at botohan kaugnay sa tanong kung ilang boto ang kinakailangan para sa conviction. Ang kasalukuyang ruling ay nangangailangan ng 16 affirmative votes batay sa buong 24 na miyembro ng Senado.
Sa debate noong Setyembre 8, kinuwestiyon ni Pia Cayetano ang paggamit ng isang desisyon ng Supreme Court tungkol sa quorum bilang batayan sa muling pagtalakay sa requirement para sa conviction.

