Calendar
Pag-ibig, SMDC may MOU para sa pagpapatupad ng Expanded Housing Program

LUMAGDA kamakailan ang Pag-IBIG Fund at SM Development Corp. (SMDC) ng memorandum of understanding (MOU) para sa pagpapatupad ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino 4PH program sa buong bansa.
Ang SMDC ang pinakabagong developer na nakipag-partner sa Pag-IBIG Fund para sa 4PH, kasunod ng kasunduan nito sa Avida Land Corp. at Amaia Land Corp., mga residential brand ng Ayala Land Inc., na nilagdaan noong unang bahagi ng Agosto.
Noong Pebrero, nakipag-ugnayan din ang Pag-IBIG Fund sa Megawide Construction Corp. upang suportahan ang paghahatid ng socialized housing gamit ang makabagong teknolohiya sa konstruksyon.
Sa panimulang yugto, nangako ang Megawide ng hindi bababa sa 7,000 socialized housing units.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, chairman ng Pag-IBIG Board of Trustees, ang pakikilahok ng SMDC ay patunay na ang pinalawak at abot-kayang financing ng Pag-IBIG Fund ay nagbubukas ng mas maraming pagpipilian sa pabahay para sa mga miyembro.
“Ito rin ay patunay sa tumataas na tiwala ng pribadong sektor sa Expanded 4PH at katatagan ng programa sa paghahatid ng disente, mas ligtas at abot-kayang pabahay sa mas maraming pamilyang Pilipino.
Malinaw ang direksyon ni Pangulong Marcos Jr. nais nating mas maraming manggagawang Pilipino at kanilang pamilya ang magkaroon ng tunay na pagkakataon na magkaroon ng sariling bahay sa lungsod, lalo na malapit sa kanilang pinagtatrabahuhan,” dagdag pa niya.
Nakasaad sa kasunduan ang pagbibigay ng preferential pricing sa piling SMDC units, buyer education at mga programang nakalaan para sa mga homebuyer—na magbibigay ng mas maraming housing options sa mga kwalipikadong miyembro ng Pag-IBIG sa pamamagitan ng Pag-IBIG Housing Loans.
Sa ilalim ng MOU ng SMDC at Pag-IBIG Fund, maaaring makakuha ang mga kwalipikadong borrower ng preferential pricing sa piling units ng mga Pag-IBIG-accredited SMDC projects, kabilang ang Coast Residences at ICE Tower sa Pasay City, Spring Residences sa Parañaque City, piling phases ng Hill Residences sa Quezon City at SMDC Cheerful Homes 1 at 2 sa Pampanga.
Ayon kay SM Prime at SMDC President Jeffrey Lim, mahalaga ang kooperasyon ng pamahalaan at pribadong sektor upang gawing mas abot-kamay ang homeownership.

