Calendar
CAYTON ISINUSULONG MASTER’S SCHOLARSHIP PROGRAM PARA MADAGDAGAN COUNSELORS
ISINUSULONG ni House Assistant Majority Leader at Nueva Vizcaya Lone District Rep. Atty. Timothy Joseph “Tim” Cayton ang pagtatatag ng graduate scholarship program upang matugunan ang malaking kakulangan ng guidance counselors sa mga paaralan sa buong bansa.
Inihain ni Cayton ang House Bill No. 10997 o “National Guidance and Counseling Scholarship Act” na naglalayong magtatag ng permanenteng pambansang scholarship program para sa master’s degree sa Guidance and Counseling.
Ayon sa datos na binanggit ni Cayton, nasa 4,069 lamang ang lisensyadong guidance counselors sa bansa, samantalang mahigit 50,000 ang kinakailangan upang maabot ang inirerekomendang ratio na isang counselor sa bawat 250 estudyante.
Samantala, nasa 79 porsyento o 4,460 plantilla positions para sa guidance counselors sa Department of Education (DepEd) ang bakante. May ilang rehiyon din umano na lumalagpas sa 80 porsyento ang vacancy rate.
Para kay Cayton, hindi kakulangan ng mga interesadong maging guidance counselor ang problema kundi ang kakayahan ng mga aplikante na tustusan ang kinakailangang graduate degree.
“Ang totoong sagabal ay ang gastos sa master’s degree. Hinihingi ng batas ang graduate degree at lisensya, pero ang mga guro at aplikante ang siyang sumasagot ng buong gastusin. Kung gusto nating dumami ang counselors, ang gobyerno ang dapat mag-invest sa pag-aaral at pagpapakahusay nila,” sabi ni Cayton.
Sa ilalim ng HB 10997, sasagutin ng scholarship ang matrikula at iba pang school fees, buwanang stipend, at mga allowance para sa libro, thesis, licensure review at connectivity.
Itinatakda rin ng panukala na hindi bababa sa 60 porsyento ng taunang scholarship slots ang ilaan sa mga tauhan ng DepEd habang hindi bababa sa 20 porsyento naman ang para sa mga pribadong aplikante.
Mas malaking alokasyon ang ilalaan sa mga tinukoy na Priority Regions partikular ang mga lugar na may higit 80 porsyentong vacancy rate.
Uunahin din sa deployment ang mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs) upang mapalawak ang access ng mga estudyante sa professional guidance and counseling services.
Bilang kapalit ng scholarship, kinakailangang maglingkod ang mga iskolar sa pampublikong paaralan o ahensya ng gobyerno nang hindi bababa sa dalawang taon.
Para naman sa mga maglilingkod sa GIDA, bibilangin ang bawat isang taon ng aktwal na serbisyo bilang isa’t kalahating taon para sa kanilang service obligation.
Kasama rin sa panukala ang isang bridging pathway para sa kasalukuyang School Counselor Associates upang makapagpatuloy sila sa pag-aaral nang hindi kinakailangang mawalan ng kanilang posisyon.
Iminumungkahi rin ang pagsusuri ng Department of Budget and Management sa compensation at career progression ng mga guidance counselor sa pamahalaan.
Binigyang-diin ni Cayton na mahalagang palakasin ang guidance and counseling services dahil hindi lamang pisikal na kaligtasan ang dapat protektahan sa mga paaralan kundi pati ang mental at emotional well-being ng mga mag-aaral.
“Hindi lahat ng banta sa kaligtasan ng isang bata ay nakikita sa loob ng kanyang bag. Ang metal detector ay maaaring makakita ng armas, pero ang trained guidance counselor ang makatutulong na mapansin ang mga senyales ng distress, maagapan ang problema, at maiugnay ang bata sa tamang suporta bago pa ito lumala,” dagdag pa ni Cayton.
“Ang kaligtasan sa paaralan ay hindi lamang pisikal, kasama rito ang mental at emotional well-being ng bawat mag-aaral,” pahayag pa nito.
Layunin ng panukala na makalikha ng mas matatag na pool ng mga kwalipikadong guidance counselors na maaaring tumugon sa bullying, mental health concerns at iba pang suliraning kinakaharap ng mga mag-aaral sa iba’t ibang paaralan sa bansa.

