Calendar
Aksyon ng LTO vs SUV driver na humarurot sa pedestrian lane aprubado kay Asistio
SINUSUPORTAHAN ni Caloocan City Rep. Dean Asistio ang aksyon ng Land Transportation Office (LTO) sa mahigpit na pagpapatupad nito ng alituntunin laban sa mga driver na hindi nagbibigay-prayoridad sa mga pedestrian lalo na sa mga pedestrian lane.
Ang pahayag ni Asistio ay kasunod ng panawagan ng mamamayan para sa aksiyon ng LTO sa isang viral na video kung saan makikitang nagpatuloy sa pagmamaneho ang isang SUV habang may mga pedestrian na tumatawid sa tamang tawiran.
Agad nagsagawa ng imbestigasyon ang Intelligence and Investigation Division (IID) upang matukoy ang rehistradong may-ari at itinalagang driver ng sasakyan.
Naglabas ang LTO ng show cause order (SCO) at ipinatawag ang rehistradong may-ari at driver sa LTO Central Office sa Oktubre 8 upang magbigay ng panig at magsumite ng mga kinakailangang dokumento at sinumpaang salaysay.
Isinailalim na rin sa 90-araw na preventive suspension ang driver’s license ng driver habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Inilagay din sa alarm status ang SUV.
Pagbibigay-diin ni Asistio na malinaw ang mensahe ng LTO na walang motorista ang dapat magwalang-bahala sa pedestrian na gumagamit ng tamang tawiran.
“Alam naman ng bawat motorista na kailangang magbigay-daan sa mga pedestrian na tumatawid sa tamang tawiran, kaya walang dahilan para balewalain ito,” ang pahayag ni Asistio.
Iginigiit ng kongresista na ang ganitong mahigpit na aksyon ay nararapat lamang suportahan dahil ang pedestrian lane ay hindi simpleng guhit sa kalsada. Ito ay itinalagang lugar kung saan dapat maging mas maingat ang mga motorista at bigyang-prayoridad ang kaligtasan ng mga tumatawid.
