DA Source: DA_PDRP file photo

Abaca mahalagang sektor ng Pilipinas–DA

Cory Martinez Apr 7, 2025
16 Views

MAHALAGANG sektor ang industriya ng abaka na nagbibigay ng pagkakakitaan sa may mahigit na 1.5 milyong Pilipino kaya’t nararapat itong bigyan ng suporta, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Sinabi ng kalihim na hihilingin niya sa Bangko Sentral ng Pilipinas na ikonsidera ang desisyon nito na alisin ang abaka bilang component sa paggawa ng mga banknotes.

Hihimukin din ni Tiu Laurel ang Department of Foreign Affairs (DFA) na isama ang hibla ng abaka sa mga pasaporte ng Pilipinas at hihikayatin din ang iba pang ahensya ng pamahalaan na ikonsidera ang paggamit nito sa mga opisyal na dokumento.

Endemic of katutubo sa Pilipinas ang abaka na mas kilala sa ibang bansa bilang “Manila hemp” na nagbibigay ng 86% sa pandaigdigang suplay noong 2023.

Simula 2014 hanggang 2023, nakalikha ang ang industriya ng abaca ng average na taunang export na kita na $139.2 million at 18 porsyento dito mula sa raw fiber at 82% mula sa mga manufactured products.

Halos lahat ng sapal ng abaka na nagawa sa Pilipinas iniluluwas sa ibang bansa.

“Hihilingin namin sa Bangko Sentral ng Pilipinas na ikonsidera ang desisyon nito na alisin ang abaka sa mga salaping papel dahil ang epekto nito nasa kabuhayan ng milyun-milyong Pilipino na nakadepende sa industriya ng abaca,” ani Tiu Laurel.

Binigyang-diin ni Arnold Atienza, executive director ng Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA), na dapat pangunahan ng gobyerno ang pagsuporta sa industriya na hindi lang nagbibigay ng pambansang karangalan kundi gumagawa ng mga produktong mataas ang pahalaga sa ibang mga bansa.

Sinabi ng opisyal na naaayon sa pandaigdigang pagbabago ang industriya ng abaca tungo sa pangmatagalang mga industriya.

“Biodegradable ang abaca at maaaring i-recycle at gawing pataba na pakikinabangan sa pagsasaka ng mga komunidad.

Bilang pinakamalaking supplier ng abaca, responsibilidad natin na masigurong mas maraming mapagkukunan nito upang suportahan ang kapaligiran at ang mga lokal na magsasaka,” ani Atienza.

Tinukoy din nito na ang 120,145 na mga magsasakang nagtatanim ng abaka ang kabilang sa pinakamahirap sa bansa, at kumikita lamang ng taunang gross income na mas mababa sa P40,000.