Abalos1

Abalos: Hulihin ang mga nanghihingi ng pera!

Jun I Legaspi Mar 22, 2025
23 Views

HULIIN ang mga nanghihingi ng pera!” — ito ang mariing pahayag ni dating Interior Secretary at senatorial candidate Benhur Abalos, Jr.

Sinabi ni Abalos na isa ang pangongotong sa kailangang aksyunan para mahikayat ang pagpasok ng mga mamumuhunan sa bansa.

“Let’s create an environment that’s business-friendly. Digital portals, online applications, mabilis ang processing time. Huliin ang mga nanghihingi ng pera. These things go together,”pahayag ng dating kalihim.

Iginiit ni Abalos na ang mga nanghihingi ng pera o nangongotong ay dapat hulihin at ikulong.

Ayon sa kanya, kung gusto nating dumami ang negosyante at namumuhunan sa bansa at lumago ang ekonomiya, kailangang buwagin ang kultura ng korapsyon at red tape sa pamahalaan.

Batay sa ulat ng Anti-Red Tape Authority (ARTA), mahigit 16,000 reklamo laban sa red tape at katiwalian ang natanggap noong nakaraang taon. Karamihan dito ay may kinalaman sa delay ng business permits at harassment mula sa ilang tiwaling opisyal.

Hindi ito ang unang pagkakataong pinatunayan ni Abalos na kaya niyang tumindig laban sa katiwalian. Bilang dating Mayor ng Mandaluyong, pinadali niya ang proseso ng pagkuha ng business permits at computerization ng mga proseso sa Mandaluyong.

Kaya naman sinabi ni Abalos na napakahalaga ng digitalization ng mga serbisyo ng gobyerno upang mapadali ang mga proseso ng negosyo at maiwasan ang red tape.

“If you want to encourage it, the only thing that you would do is have a rule that is good for business. And what is this? Number one is the ease of doing business,” ani Abalos sa mga nakaraang pahayag.

“Number two, dapat malinis ang lugar mo. Wala kang basura, walang crime, etc. So, the first thing I did, lahat ng nanghihingi, nangongotong — pinatanggal ko. I told the investors, go to me, to the mayor directly, kung mayroong nagpeperwisyo sa iyo, kung nadi-delay ang papeles mo,” dagdag ni Abalos.

Maliban sa pagkakaroon ng business-friendly environment, ang pagtanggal sa VAT sa kuryente at mga buwis sa petrolyo na ginagamit sa power generation upang mapababa ang presyo ng kuryente ay isa ring mabisang paraan upang mahikayat ang mga manufacturing firms at lumikha ng maraming trabaho para sa mga Pilipino, ayon kay Abalos.

Binigyang-diin ni Abalos na ang murang kuryente at isang environment na conducive sa negosyo ay susi sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa at paglutas sa kawalan ng trabaho.

“All of these things go together,” sabi niya. “Sa Senado, may magagawa tayo — we can craft laws and use our oversight function to make this happen,” pagtatapos ni Abalos.