Abalos

Abalos humiling na taasan honoraria, proteksyunan guro sa 2025 halalan

166 Views

NANAWAGAN si dating kalihim Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na taasan ang honoraria at palakasin ang proteksyon para sa mga guro at poll workers sa darating na halalan sa 2025.

Aniya, ang mga poll workers, partikular ang mga guro, ay kadalasang nahaharap sa mga panganib, lalo na sa mga lugar na tinatawag na election hotspots, tulad ng ipinakita sa pelikulang “Balota” na pinagbibidahan ni Marian Rivera Dantes.

“Alam ko po ang mahalagang gampanin ng ating mga guro upang maseguro ang malinis, maayos at tapat na halalan. Subalit nang mapanood ko ang pelikulang ‘Balota,’ mas naunawaan ko ang sakripisyo ng mga guro,” sabi ni Abalos.

“Ang mga guro, tulad ni Teacher Emmy sa pelikulang ‘Balota,’ ay mga tunay na bayani. Sa kabila ng mga panganib at hirap na kanilang hinaharap, patuloy silang nagsisilbi upang masiguro ang malinis at tapat na halalan. Hindi biro ang kanilang sakripisyo—ang pagharap sa mga banta sa kanilang kaligtasan, lalo na sa mga lugar na itinuturing na election hotspots,” pagbibigay diin ni Abalos.

Sa pelikula na idinirek ni Kip Oebanda, ginampanan ni Marian Rivera ang papel ni Teacher Emmy, isang guro sa isang bayan na kilala bilang election hotspot. Ipinakita sa pelikula ang pakikipagsapalaran ni Teacher Emmy, habang dala ang huling ballot box at hinahabol ng mga armadong grupo ng mga tiwaling pulitiko.

Ayon kay Abalos, hindi nalalayo ang ganitong mga kwento sa tunay na buhay ng mga guro tuwing eleksyon, lalo na sa mga delikadong lugar.

Kaya naman, ayon kay Abalos, nararapat lang na bigyan ng karampatang proteksyon at disenteng honoraria ang mga guro na magsisilbi sa darating na halalan.

Sa pambansang at lokal na halalan noong 2022, itinakda ng COMELEC Resolution No. 10727 ang honoraria ng chairperson ng Electoral Board (EB) sa halagang P7,000, habang ang mga miyembro ng EB ay tumanggap ng P6,000. Ang DepEd Supervisor Official (DESO) ay nakatanggap ng P5,000, at ang mga support staff ay nakatanggap ng P3,000. Samantala, sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan elections, bahagyang itinaas ng COMELEC Resolution No. 10933 ang mga allowance ng chairperson ng EB sa P10,000. miyembro ng EB sa P9,000, DESO sa P9,000, at support staff sa P5,500.

Ngunit para kay Abalos, hindi na sapat ang mga ito, lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. “Dapat dobleng pag-aralan ng Comelec ang mga bayad na ito, at dapat matiyak na ang mga guro ay tatanggap ng nararapat para sa kanilang serbisyo,” dagdag pa niya.

Iminungkahi din ni Abalos, isang abogado, na dapat magkaroon ng mas mahigpit na seguridad at legal na proteksyon para sa mga gurong nagsisilbi sa eleksyon.

Binanggit niya ang ilang mga kaso kung saan ang mga guro ay nakatanggap ng banta sa kanilang buhay o nadamay sa mga legal na usapin kahit ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho.

Bilang kandidato sa ilalim ng Alyansa para sa Pagbabago 2025 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama sa mga adbokasiya ni Abalos ang ang pagbibigay ng mas maraming trabaho, pagrebisa sa Local Government Code of 1991 at pagpapalakas ng hustisya sa bansa.