Calendar

Abalos isusulong pagtanggal ng VAT sa kuryente sa Senado
HINILING ni senatorial candidate at dating Kalihim ng DILG na si Atty. Benhur Abalos Jr. ang suporta ng mga Zamboangueño habang inilalahad ang kanyang pangunahing adyenda sa lehislatura.
Kilalang vote-rich province sa Mindanao, ang Zamboanga del Sur ay patuloy na gumaganap ng mahalagang papel sa mga pambansang halalan.
Sinamantala ni Abalos ang pagkakataong makipag-ugnayan nang personal sa mga residente at lokal na opisyal ng lalawigan upang ipresenta ang kanyang mga plano sakaling mahalal sa Senado.
Kabilang sa kanyang mga pangunahing panukala ay ang pagtanggal ng value-added tax (VAT) sa kuryente at ng buwis sa produktong petrolyo na ginagamit sa paglikha ng kuryente, upang mapababa ang singil sa kuryente lalo na sa mga probinsyang madalas makaranas ng brownout.
“Nung 2005, ako ay Congressman. Tinayuan ko ito. I am against this dahil tataas ang kuryente. Mawawala yung mga factory na may kinalaman sa kuryente,” saad ni Abalos.
Isinusulong din niya ang pagbibigay ng gratuity at insentibo para sa mga job order at contract of service workers sa gobyerno, marami sa kanila ang matagal nang naglilingkod nang walang benepisyo.
Sa sektor ng agrikultura, isinusulong ni Abalos ang isang komprehensibong programa ng suporta para sa mga magsasaka—kabilang ang abot-kayang pautang, crop insurance, tax relief, at libreng edukasyon para sa kanilang mga anak. Bilang bahagi ng pangmatagalang estratehiya para sa seguridad sa pagkain, sinusuportahan din niya ang pagpasa ng National Land Use Act upang maprotektahan ang mga lupang pang-agrikultura laban sa conversion.
Ipinahayag din ni Abalos ang kanyang hangaring amyendahan ang Rice Tariffication Law upang palakasin ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA).
“Hindi na dapat kailanganin pa ng rice emergency bago makapagbenta ang NFA ng bigas na binili nila sa mga magsasaka. Dapat palakasin ito para sa kapakanan ng mga magsasaka at ng konsyumer,” dagdag ni Abalos.
Sa kasalukuyan, limitado ang kapangyarihan ng NFA sa buffer stocking na ginagamit lamang para sa mga emergency at sa pagsuporta sa mga programa ng gobyerno para sa disaster relief tuwing may likas o natural disaster.
Isinusulong din ni Abalos ang pag-amyenda sa Local Government Code upang palakasin ang kapangyarihan at kakayahan ng mga lokal na pamahalaan (LGUs), na minsan niyang kinatawan bilang isang alkalde at Kalihim ng DILG.
Dahil maraming baybaying komunidad sa Zamboanga del Sur ang umaasa sa pangingisda, muling iginiit ni Abalos ang kanyang pagtutol sa kamakailang desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulot sa mga commercial fishing vessel na mangisda sa loob ng 15-kilometrong municipal waters.
“Once maglayag dito ang malalaking mga barko, baka maubosang isda at konti na lamang ang makuha ng ating mgamangingisda. At ang masaklap pa rito, pati yung maliliit na isdana hindi pa dapat mahango ay makuha na. Malaki ang epektonito.” babala nito. “Hindi ako sumasang-ayon sa desisyon ng Korte Suprema. Kasama niyo ako mga mangingisda ng Zamboanga del Sur at sa buong bansa.”
Nanawagan si Abalos sa taumbayan na ipagkatiwala sa kanya ang kanilang suporta: “Pagkatiwalaan ninyo ako. Hindi ko kayo bibiguin.”
Pinuri rin niya ang pagkakaisa at pamumuno ng lalawigan. “Kaya umuunlad ang bansa, magaling ang pinuno at nagkakaisa ang taumbayan. Kitang kita na nagkaisa ang Zamboanga del Sur.”