Abalos

Abalos: LGUs dapat sumali sa supply/distribution ng agri products

Jun I Legaspi Feb 10, 2025
19 Views

MAAARING sumali sa suplay at distribusyon ng mga produktong agrikultural ang anumang local government unit (LGU) upang matulungan ang mga magsasakang nahihirapang ibenta ang kanilang ani lalo na kapag tagtuyot, ayon kay senatorial candidate Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr.

Binigyang-diin ni Abalos ang kahalagahan ng LGUs sa pagtulong sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanyang naging karanasan bilang alkalde ng Mandaluyong.

“Noong araw, napakamura ng gulay at dahil nga nahihirapan ang ating mga kababayang magsasaka sa Nueva Ecija na ibenta ang kanilang kalabasa, nagdesisyon kami na bilhin na lang ang mga ito.

Kaya nagpadala kami ng truck doon at direkta naming binili ang mga kalabasa at dinala namin sa Mandaluyong.

Tuwang-tuwa ang mga taga-Mandaluyong noon dahil ibinenta sa kanila ang mga kalabasa sa murang halaga, kaya agad naubos ang aming biniling produkto mula sa mga magsasaka ng Nueva Ecija,” kwento ni Abalos.

Ayon kay Abalos, ang pagbibigay ng mas mataas na suporta sa mga magsasaka ang isa sa kanyang mga pangunahing prayoridad sakaling mahalal na senador.

Isinusulong din ni Abalos ang pagkakaroon ng insurance para sa mga produktong agrikultural sa panahon ng kalamidad at iba pang natural na sakuna tulad ng El Niño at La Niña.

“Napakahalaga ng ginagampanang papel ng ating mga magsasaka. Sila ang nagpapakain sa milyun-milyong Pilipino kaya nararapat lang na makuha nila ang buong suporta ng ating pamahalaan,” ani Abalos.