Magsino

Absolute pardon kay Veloso tagumpay–ex-party list rep

Mar Rodriguez Sep 25, 2026
385 Views

PARA kay dating OFW Partylist Cong. Marissa “Del Mar” Magsino, malaking tagumpay ang pagkakaloob ng absolute pardon kay Mary Jane Veloso matapos ang mahigit 15 taong panawagan para sa kanyang kalayaan at hustisya.

Hindi basta-basta dumating ang kalayaan ni Veloso kundi bunga ng matagal na pakikibaka ng kanyang pamilya, mga migranteng Pilipino, mga lider at miyembro ng simbahan, human rights defenders, women’s groups, abogado at iba pang mamamayang patuloy na nanindigan para sa kanya.

Sinabi ng dating solon na naging bahagi ng laban para kay Veloso ang iba’t ibang pagkilos, protesta, petisyon, panawagan at iba pang paraan ng pagsusulong ng kanyang kalayaan.

“Hindi kusang-loob na dumating ang kalayaan ni Mary Jane. Pinaglaban ito ng kanyang pamilya, mga migranteng Pilipino, taong simbahan, human rights defenders, women’s groups, lawyers at mamamayang patuloy na nanindigan,” ani Magsino.

Matagal nang dapat napalaya si Veloso, na matagal din nilang inilalarawan bilang biktima ng human trafficking at pagsasamantala sa halip na isang kriminal na dapat parusahan.

Ayon pa sa kaniya, ang pagpapalaya kay Veloso ay pagkilala rin sa mahabang laban upang maitama ang isang malaking kawalan ng hustisya.

Nauna nang tiniyak ni Magsino sa pamilya ni Mary Jane Veloso na ipagpapatuloy nito ang kaniyang adbokasiya para tulungan ang mga kapwa nito Overseas Filipino Worker (OFW) na nahaharap sa mabigat na suliranin sa ibang bansa.

Nagtungo sa tanggapan ni Magsino sa Kamara de Representantes ang mga magulang ni Veloso na sina Cecilia at Cesar. Kasunod ito ng pagpapatibay ng kaniyang commitment para sa mga OFWs na may kahalintulad na sitwasyong sinapit ni Mary Jane.

Ipinahayag din ni Magsino sa pamilya ni Mary Jane na inuumpisahan na nitong lakarin upang magawaran ng clemency o presidential pardon si kay Mary Jane na kasalukuyang nakapiit sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City.

Muling tiniyak ng kongresista sa Veloso family ang kaniyang patuloy na suporta hindi lamang para kay Mary Jane bagkos para sa lahat ng mga OFW na nakikipagsapalaran sa ibayong dagat subalit kasalukuyang nahaharap na mabigat na suluranin.

“Ipinapakita ng sitwasyon ni Mary Jane ang panganib na kinakaharap ng maraming OFWs,” sabi ni Magsino.