Hayop

Agri smugglers pinapangalan pekeng kumpanya sa alagang hayop — Raffy

331 Views

IBINUNYAG ni Sen. Raffy Tulfo na ginagamit umano ang pangalan ng mga alagang hayop sa pagpaparehistro ng pekeng kumpanya na ginagamit sa agricultural smuggling. “Out of 217 flagged smugglers, isa lang ang naisampa ng kaso. The system is broken,” dagdag niya.

Samantala, sa kamakailan na pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, inihalintulad ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang mga smuggler sa drug lords dahil sa laki ng pinsalang dulot nito.

“Ang nagpapakain sa atin ang unang tinatamaan ng smuggling at market manipulation,” aniya.

Binanatan din ni Sen. Risa Hontiveros ang polisiya sa bigas ng gobyerno. “The Philippines became the world’s top rice importer last year, yet prices remain high while farmers lost money,” giit niya, sabay suporta sa 60-day import ban at panawagang taasan ang taripa.

Hiniling ni Sen. Imee Marcos na repasuhin ang tungkulin ng National Food Authority (NFA), na ngayo’y may utang na ₱103 bilyon. “ Let’s expand NFA’s role—but only if we fix its dysfunctions first,” paliwanag niya.

Inamin ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno na may mga pagkaantala sa kanilang hanay. Ayon sa kanya, minana nila ang higit 9,000 legal cases at uunahing tugunan ang agri smuggling, gaya ng ₱605 milyong tobacco shipment na nasamsam sa Bulacan—ang kauna-unahang malaking kasong naisampa sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Sa Subic Port, iniulat ni District Collector Noel Estanislao ang pagkakasabat sa 10 container na mali ang deklarasyon—nakalabel bilang “Japanese meatballs” ngunit naglalaman pala ng sibuyas, carrots, at isda na nagkakahalaga ng ₱100 milyon.

Samantala, iginiit ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na kulang ang kapangyarihan ng Department of Agriculture para magsagawa ng operasyon. “Kami ang may intel on the ground, pero wala kaming kapangyarihang kumilos,” paliwanag niya, at binanggit ang isang kaso ng onion smuggler noong 2023 na naipakulong lamang dahil sa matiyagang pagtutok ng ahensya.

Nangako rin ang iba’t ibang ahensya—gaya ng NEDA, DOJ, DBM, at Philippine Coast Guard—na makikipagtulungan sa pagsampa ng kaso at pagsusulong ng mga reporma. Lumahok din sa pagdinig ang ilang brokers at consignees, habang ang mga hindi dumalo ay ipapatawag na sa pamamagitan ng subpoena.

Tinalakay din sa pagdinig ang tatlong malalaking kaso ng smuggling ngayong taon: ₱318 milyong halaga ng shipment sa Subic; ang “Paco Manila case” na kasalukuyang iniimbestigahan; at isang insidente sa Talisay nitong Hulyo na hindi pa naisusumite sa korte. Ayon kay Nepomuceno, kakailanganin dito ang tulong ng DOJ at NBI para masigurong matibay ang kaso.

Bilang aksyon, ipinag-utos ng Senado ang pagpapalabas ng subpoena laban sa mga absent na broker at consignees, at inatasan ang SEC na ibunyag ang tunay na may-ari ng mga kumpanyang sangkot sa smuggling, kabilang ang Queenstar, Lexa, at Luximar.

“This law is in place. We must see it work,” ani Pangilinan, sabay pahayag na muling tatalakayin ng komite ang mga kaso sa Subic, Paco, at Talisay sa susunod na sesyon.

Sa kabuuan, iniulat ng mga opisyal na ₱605 milyon ang halaga ng tobacco seizure sa Bulacan nitong Agosto 2025; ₱318 milyon naman ang halaga ng agri shipments na na-flag sa Subic ngayong taon; at ₱100 milyon ang kabuuang halaga ng gulay at isda na dineklarang “meatballs.” Sa kabila ng 217 smugglers na na-flag mula pa noong 2018, isa pa lamang ang naisampang kaso.