Valeriano

AI malaking banta sa manual labor force — Valeriano

Mar Rodriguez Oct 5, 2023
234 Views

NAGPAHAYAG ng labis na pagkabahala ang chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano patungkol sa paunti-unting pag-usbong ng Artificial Intelligence (AI) na itinuturing nitong isang malaking banta para sa “manual labor force”.

Sinabi ni Valeriano na bagama’t hindi naman niya minamasama ang pagsulpot ng makabago at modernong tekonolohiya sa kasalukuyan, binigyang diin niya na napakahalaga pa rin na isang-alang-alang ang kapakanan ng mga tao partikular na ang mga manggagawa.

Nagbabala si Valeriano na darating ang panahon na unti-unting ng sasapawan at lalamunin ng AI ang lahat ng trabaho kabilang na dito ang blue at white collar jobs. Kung kaya’t hindi imposibleng ang dumating din ang panahon na magka-sibakan o magkatanggalan sa mga kompanya. Sapagkat ang trabaho nila ay kayang gawin na ng mga AI at mas makakatipid ang nasabing kompanya.

“For one, which particular government agency to tackle this? Almost all sectors will be affected by AI. Both blue and white collar jobs may be axed,” sabi ni Valeriano.

Nangangamba ang kongresista na baka dumating umano ang panahon na hindi na kakailanganin ang manual labor force o mga manggagawa sa lahat ng pabrika, kompanya at iba pang business establishments. Sapagkat ang gagawa na ng kanilang trabaho ay ang mga AI sa pamamagitan ng mga “manmade robots” o mga makina na ginagamitan na lamang ng remote control.

Ang pahayag ni Valeriano ay alinsunod sa iniulat ng World Economic Forum na ang kasalukuyang profession o trabaho ng mga tao ay hindi na maituturing na isang “future proof” dahil nga sa pagsulpot ng mga AI na inaasahang magiging malaking banta sa darating na 2027.

Aminado si Valeriano na maging ang mga career o profession sa Pilipinas ay hindi na rin matatawag na “future proof” dulot ng AI. Kung saan, ilang kompanya ang gumagamit na ng mga mechanical robots sa katuwirang malaki ang name-menos o natitipid nila pagdating sa manual labor.

“Before the budget deliberations. Our Plenary discussed AI or Artificial Intelligence, like climate change. We need to prepare for this eventuality now, instead of later. Some careers are not future proof after all,” ayon kay Valeriano.