Rafaela David Source: Akbayan Party FB

Akbayan Party-list President Rafaela David

164 Views

Padilla pinayuhan na kumuha ng ‘gender sensitivity drip’

BILANG pagpupugay sa mga kababaihan, kinondena ni Akbayan Party-list President Rafaela David si Sen. Robinhood Padilla matapos harangin umano ng dating aktor ang hakbang ni Sen. Risa Hontiveros na i-cite in contempt si Pastor Apollo Carreon Quiboloy.

Si Quiboloy at mga lider sa Kingdom of Jesus Christ (KoJC) ay inaakusahan ng human trafficking, sexual abuse at iba pang mga kaso.

Sa isang panayam, sinabi ni David na ang ginawa umano ni Padilla na harangin ang ruling na i-contempt si Quiboloy sa pamamagitan ng kanyang objection sa gitna ng pagdinig ay nakalulungkot at humaharang sa hustisya at katarungan na dapat igawad sa mga inapi nito.

“Nakakaawa po ang taong-bayan. Hindi naman po barkadahan ang pagsisilbi sa ating bansa kundi para sa katarungan. This is the Senate of the Philippines po. Kailangan pagpahalagahan po nila an karapatan ng ating mga kababaihan. Senado po kayo para sa mamamayang Pilipino, kampeon ng mga kababaihan at hindi Senado na kayang patiklupin ng isang sex offender at serial abuser. Iyan po ang dapat ninyong ipakita,” ani David.

“Kung naniniwala po sila na inosente si Pastor Quiboloy, bakit hindi nila kumbinsihin na mag-attend at idepensa ang kaniyang sarili? Kailangan pagpahalagahan nila ang karapatan ng ating mamamayan, partikular ng mga biktima nito,” giit ng Akbayan president.

Ayon pa kay David, ang ginawa ni Padilla ay pagpapakita lamang umano na walang halaga sa senador ang sinapit ng mga biktima at wala rin siyang commitment para sa karapatan ng maraming kababaihan, lalo’t ngayon buwan ay ipinagdiriwang ang Women’s Month.

“Instead of a gluta drip, Senator Robin Padilla could benefit from a gender sensitivity drip to enhance his responsiveness to the issues and concerns of Filipino women. An intravenous dose of gender education is essential,” giit ni David.

“At the heart of the matter is the protection and empowerment of women, a cause that Senator Padilla’s objection seems to neglect. We emphasize the importance of standing up for victims of abuse and holding perpetrators accountable, regardless of their stature or affiliations,” dagdag pa ng Akbayan lider.

Ipinaliwanag din ni David na ang mga umano’y biktima ay tumakbo sa Senado sa paniniwalang ang Senado ang huling baston ng demokrasya sa ating bansa, at ito lamang ang naiisip nilang kanilang sandalan upang makamit ang inaasam-asam na katarungan.

Sinabi rin ng Akbayan lider na maliwanag aniya ang motibo sa pagtanggi ni Quiboloy na humarap, magsalita at sabihin ang kanyang katotohanan sa gitna ng pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality – ito’y pagyurak sa hustisya at batas na dapat irespeto ng sinuman.

“We urge Mr. Quiboloy to confront the accusations lodged against him and make himself accountable. For a man who claims to be ‘the appointed son of God’ and have stopped earthquakes, storms and other massive calamities, he is afraid of facing a Senate hearing to clear his name. Kaya raw niya magpatigil ng mga bagyo, pero kapag binabagyo na siya ng kaliwa’t kanang akusasyon, bigla siyang magtatago?” ani David.

Nanawagan din ang pangulo ng Akbayan sa mga miyembro ng komite na bumoto ng ayon sa katotohanan at para sa hustisya gayundin ng ayon sa batas ng nakatadhana, at huwag hayaan aniya mamayagpag ang panawagan ni Senator Padilla na balewalain ang pang-aapi na dinanas ng mga biktima nito.

Matatandaan na mismong si Hontiveros ay nagbigay ng utos upang ipa-contempt ang diumano’y maimpluwensyang leader na si Quiboloy na nagsabing hinding hindi siya haharap sa imbestigasyon ng komite, dahil na rin sa umano’y pagbabanta ng US government sa kanyang buhay.

Gayundin, sinabi nito na walang saysay ang gagawing pagdalo sa komite dahil bias at hindi nirerespeto ng komite ang kanyang karapatang pantao simula’t sapul nang magumpisa ang pagdinig.

Sa kanyang ruling, sinabi ni Hontiveros: “Pursuant to Section 18 of the Rules of the Senate, as chair of the committee, with the concurrence of one member here with me, I cite in contempt Apollo Carreon Quiboloy for his refusal to be sworn or to testify before this investigation. This committee requests the Senate President to order his arrest so that he may be brought to testify.”

Nagbigay din ng sulat ang abogado ni Quiboloy sa pamamagitan ng Balayan Law Office na si Atty. Melanio Elvis Balayan, kung saan ay sinasabi nitong hindi na makatarungan pang humarap ang pastor sa pagdinig dahil mismong ang komite ay nagdeklara na umano na guilty ang kanyang kliyente kahit wala pang partisipasyon si Quiboloy at hindi pa naririnig ang panig nito.

Matatandaan na matapos mag-mosyon si Hontiveros na ipa-contempt si Quiboloy ay sumulpot si Padilla sa nasabing pagdinig kung saan ay dineklara nito ng pormal ang kanyang objection.

Para naman kay Senate President Juan Miguel Zubiri, nirerespeto niya ang komite na humahawak dito at hindi aniya tamang makialam siya sa magiging pasya ng mga senador na miyembro nito, lalo’t nalaman niya na nag-iikot na umano si Padilla upang hingin ang pirma ng mga kasama nito sa komite para ipawalang bisa ang mosyon ni Hontiveros laban kay Quiboloy.

“We have to wait. It is a committee matter. Sen. Padilla will try to get the eight signatures of the committee members and we will respect him,” ani Zubiri.