Tsina

Aksyon vs pananalakay ng Tsina sa WPS isinulong

38 Views

MARIING kinondena ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada nitong Miyerkules ang pinakabagong insidente ng pananalakay ng mga pwersa ng China sa West Philippine Sea, na tinawag niyang “unwarranted and blatant violations of international law.”

Naglabas si Estrada ng pahayag kasunod ng ulat na ginamitan ng Chinese Coast Guard (CCG) ng water cannon ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at binangga ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources’ (BFAR) BRP Datu Pagbuaya habang nagsasagawa ng operasyon sa karagatang sakop ng Pilipinas.

“These hostile acts against the Philippine Coast Guard and Bureau of Fisheries and Aquatic Resources personnel performing legitimate duties within our maritime jurisdiction are an affront to our nation’s sovereignty,” ani Estrada.

Inilarawan niya ang insidente bilang “five against two,” na tumutukoy sa kalamangan sa bilang ng mga pwersa ng CCG at People’s Liberation Army Navy (PLAN) na sangkot sa pangyayari. Binatikos niya ang insidente bilang malinaw na mga aksyon ng “bullying and harassment” laban sa mga Pilipinong maritime personnel at siyentipiko.

“China should cease these provocative actions and engage in constructive dialogue rather than resort to hostile confrontation,” dagdag ni Estrada, na binigyang-diin ang pangangailangan ng diplomasya kaysa agresyon.

Nanawagan ang senador sa mga awtoridad ng Pilipinas na dalhin ang usapin sa isang pandaigdigang katawan, at hinikayat ang internasyonal na komunidad na sumuporta sa Pilipinas sa pagkondena sa mga ganitong aksyon. Binanggit niya na mahalaga ang pagpapatibay ng rule of law sa West Philippine Sea upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

“The path to lasting peace and stability in the region lies in cooperation, not confrontation,” ani Estrada.

Ang insidenteng ito ay pinakahuli sa serye ng mga komprontasyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng West Philippine Sea, kung saan patuloy na iginigiit ng gobyerno ng Pilipinas ang mga karapatan nito na kinikilala sa ilalim ng pandaigdigang batas, partikular ang 2016 arbitral ruling.