Calendar
Akusado ng rape, nahuli sa Paranaque
INARESTO ng mga pulis ang security guard matapos ireklamo ng panghahalay ng magulang ng 16-anyos na dalagitang nabiktima niya sa Paranaque City.
Nadakip ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco si alyas Jarif makaraang magsumbong sa kanyang ina ang biktima hinggil sa umano’y panghahalay sa kanya sa loob ng boarding house sa Brgy. Baclaran.
Sa ulat ni Paranaque police chief P/Col. Nicolas Pinon, hindi nakauwi ng kanilang bahay ang biktima noong Hulyo 30 hanggang bumalik ito sa kanilang tahanan noong Sabado at isinumbong ang panghahalay sa kanya ng suspek.
Nagkasa ng operasyon ang pulisya, katuwang ang mga opisyal ng Barangay Baclaran Women and Children’s Desk, na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek sa isang gas station sa Macapagal Avenue alas-4:00 ng madaling araw.
Nakatakdang sampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Anti-Rape Law in relation to RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa Paranaque City Prosecutor’s Office.

